9,372 total views
Nababahala ang Pro-Life Philippines sa ulat na tumataas ang bilang ng mga Pilipinong nagkakaanak nang hindi nagpapakasal. Inihayag ni Pro-Life Philippines President Bernard Cañaberal na nakakaalarma ang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nagpapakitang bumaba ng 7.8% ang bilang ng mga nagpapakasal sa bansa noong 2023 kumpara noong 2022 mula sa 450,000 noong 2022 at mahigit 414,000 lamang noong 2024.
Sa panayam ng programang Veritas Pilipinas, binigyang-diin ni Cañaberal ang kahalagahan ng edukasyon upang maliwanagan ang mga Pilipino ukol sa pananagutan ng pagiging magulang, ayon na rin sa turo ng Simbahang Katolika ukol sa kasal at pamilya.
“Nakita ko ito sa tatlong pamamaraan, dumarami ang mga anak ng mga hindi kasal kasi—hindi sila kasal; wala silang responsibilidad, ibig ko sabihin kasama ang ating faith dimension natin—kapag magpapakasal ka alam mo na mayroon Pre-Cana, mga katuruan ng simbahan at alam mo ang responsibilidad mo bilang magulang, pero kung hindi ka kasal, wala kang kaalam sa mga ganitong responsibilidad,” ayon kay Cañaberal.
Ipinaliwanag naman ni Sociologist Brother Clifford Sorita, Chief Strategy Officer ng Radyo Veritas na isa sa mga dahilan kung bakit maraming Pilipino ang umiiwas sa pagpapakasal ay ang kawalan ng commitment o matibay na paninindigan sa isang relasyon.
“The new generation, mayroon silang tendency na ‘they want to have a relationship but they don’t have a sense of commitment,’ iyon ang problema. They don’t have sense of responsibility and commitment. The real point of getting married is that sense of commitment. In the phenomenology of marriage — ‘yun talaga ang pinakaimportante; to commit to a person. Pero ‘yun nga ang lumalabas sa mga kabataan ngayon—they want to have a relationship but they don’t have a sense of commitment.” pahayag ni Sorita sa panayam ng Radyo Veritas.
Base sa Veritas Truth Survey, dahilan ng 32% ng mga Pilipino ang mataas na gastusin ang pumipigil sa kanilang magpakasal habang 16% naman ang nagsabing nahihirapan silang makiisa sa mga kinakailangang proseso sa Simbahan tulad ng Pre-Cana Seminar at wedding orientation.
Dahil dito, muling nanawagan ang Pro-Life Philippines na pagtibayin ang edukasyon tungkol sa kasal at pamilya, at patatagin ang pananampalataya upang mahikayat ang mga Pilipino na pahalagahan ang kasagraduhan ng pag-aasawa.
– Marian Pulgo kasama sina Kenneth Corbilla at Michael Encinas