12,082 total views
Dismayado ang isang opisyal ng Catholic Bishop Conference of the Philippines sa kakarampot na 50-pesos na umento sa sahod ng mga minimum wage worker sa National Capital Region na inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board at Department of Labor and Employment.
Ayon kay Caritas Philippines Vice-chairman Bishop Gerardo Alminaza, kulang na kulang ang dagdag suweldo upang makasabay ang kita ng mga manggagawa sa mataas na presyo ng mga bilihin, serbisyo gayundin ang tumataas na pamasahe.
Binigyan diin ng Obispo na masyadong malayo ang wage increase sa recovery wage at living wage upang makapamuhay ng may dignidad ang isang manggagawa.
“This meager Php 50 increase falls far short of what workers urgently need. It does not come close to a “recovery wage,” let alone the living wage that is just and humane. In the face of persistent inflation, rising fuel prices, and the worsening cost of living, this increase is insultingly insufficient. Workers and their families deserve wages that allow them to live decently—not merely survive,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Bishop Alminaza sa Radyo Veritas.
Iginiit ng Obispo na insulto sa isang manggagawa ang ipapatupad na wage hike sa July 18, 2025 sa NCR na maitututing na pagkiling ng DOLE at RTWPB sa mga negosyante.
Kaugnay nito, muling isinusulong ni Bishop Gerardo Alminaza ang apela ni Pope Francis sa nakakabuhay na suweldo upang mabigyan ng dignidad ang pamumuhay ng mga manggagaw at pamilya na kanilang sinusuportahan.
Isinusulong ng simbahan sa pamahalaan at kongreso na ipatupad ang 1,200 pesos na daily family living wage ng mga manggagawa.