3,130 total views
Inaanyayahan ng Diyosesanong Dambana at Parokya ng Nuestra Señora de Candelaria sa Silang, Cavite, ang mga mananampalataya na makiisa sa nalalapit na pagdiriwang ng ika-431 kapistahan sa February 2, 2026.
Ayon kay Fr. Luisito Gatdula, rektor at kura paroko ng dambana, ang kapistahan ay pagkakataon upang ipahayag ang taos-pusong papuri at pasasalamat sa Diyos, na ipinapakita sa panalangin, debosyon, at pagtulad sa kabutihan ng Mahal na Birheng Maria.
Tema ng pagdiriwang ngayong taon ang “Ang Puso Ko’y Nagpupuri sa Panginoon,” na hango sa ebanghelyo ni San Lucas.
“Halina kayo! Magsama-sama tayo. Parangalan natin ang Panginoon sa pamamagitan ng ating pagdulog sa Inang Birhen. Magpa-akay tayo sa kanya palapit kay Jesus upang, katulad ni Maria, tayong lahat ay makatugon sa Kanyang paanyaya,” ayon kay Fr. Gatdula.
Itinatag ang parokya noong February 3, 1595 ng mga Pransiskano sa ilalim ng pangangalaga ni San Diego de Alcala. Noong 1611, inilipat ang pamamahala sa mga Heswita, at noong 1640, inialay sa patnubay ng Nuestra Señora de Candelaria.
Noong February 3, 2017, idineklara ng National Museum of the Philippines ang simbahan at retablo ng parokya bilang Pambansang Pamanang Kultural.
Makaraan ang dalawang taon, noong January 31, 2019, pinagkalooban ng Episcopal Coronation ang daang-taong imahen ng Nuestra Señora de Candelaria de Silang, bilang pagkilala sa malalim at matagal nang debosyon ng mga mamamayan sa nag-iisang Ina, Reyna, at Patrona ng Silang at ng Bulubunduking Kabite.
Dahil naman sa patuloy na paglaganap ng debosyon sa Mahal na Birhen, noong May 4, 2021, itinaas ang antas ng parokya tungo sa pagiging ganap na Diocesan Shrine.




