3,981 total views
Aktibong makikibahagi ang Diocese of Tagum sa gaganaping 47th Diocesan Clergy of Mindanao (DCM) Assembly sa February 10–12, 2026 sa Zamboanga City, na dadaluhan ng mga paring diyosesano mula sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.
Sa temang “Journeying in Synodality,” layunin ng tatlong araw na pagtitipon na palalimin ang ugnayan, pakikilahok, at sama-samang misyon ng kaparian sa rehiyon.
Ayon sa pahayag ng Diocese of Tagum, mahalaga ang nasabing pagtitipon upang mapagtibay ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga pari sa gitna ng patuloy na nagbabagong hamong pastoral.
“The DCM Assembly serves as a vital venue for fostering communion, participation, and mission among the diocesan clergy of Mindanao,” ayon sa pahayag ng diyosesis.
Binigyang-diin din ng diyosesis na ang kanilang pakikilahok sa pagtitipon ay patunay ng patuloy na paninindigan ng lokal na Simbahan sa diwa ng sinodalidad at sama-samang paglilingkod.
“Through its participation in the 47th Diocesan Clergy of Mindanao Assembly, the Diocese of Tagum reaffirms its dedication to ongoing priestly renewal and collaboration, recognizing such gatherings as vital moments for listening, mutual support, and collective discernment in responding to the evolving pastoral needs of the faithful,” anila.
Inaasahang lalahok ang delegasyon ng Tagum clergy sa mga pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya, mga kumperensya, at talakayang pastoral sa pangunguna ni Fr. Marlon Pates, Vicar for Clergy ng diyosesis.
Bahagi ito ng patuloy na pagbibigay-halaga ng Diocese of Tagum sa paghuhubog, pagkakaisa, at pananagutang pastoral ng mga pari.
Ang naturang pakikilahok ay may buong suporta at paggabay ni Bishop Medil Aseo, na patuloy binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagbubuklod ng mga pari sa paglilingkod sa kawan.
“Most Rev. Medil S. Aseo, D.D., continues to underscore the importance of synodal engagement and fraternity among the clergy as essential to effective pastoral leadership,” giit ng diyosesis.
Ang Archdiocese of Zamboanga ang magsisilbing punong-abala ng pagtitipon katuwang ang mga suffragan dioceses kung saan inihahanda ng lokal na Simbahan ang pagtanggap sa mga delegado sa diwa ng mabuting pakikitungo at ganap na pakikipag-ugnayan bilang isang Simbahang naglalakbay nang magkakasama.
Samantala, umapela ang Diocese of Tagum sa mga mananampalataya na ipagdasal ang mga kalahok sa DCM Assembly upang maging mabunga ang pagtitipon para sa iisang misyon ng Simbahan sa Mindanao.
“The faithful are encouraged to keep the clergy in prayer, that the assembly may be a grace-filled encounter—deepening priestly fraternity, strengthening synodal collaboration, and bearing lasting fruit for the mission of the Church throughout Mindanao.”




