663 total views
Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang Commission on Human Rights (CHR) sa naganap na madugong engkwentro noong Abril 19, 2026 sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental na ikinasawi ng hindi bababa sa 19 na indibidwal.
Kabilang sa mga nasawi ang student leader na si Alyssa Alano at community journalist na si RJ Nichole Ledesma, ayon sa mga ulat.
“The Commission on Human Rights (CHR) expresses grave concern over the reported armed encounter on 19 April 2026 in Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental, which resulted in the death of at least nineteen (19) individuals, including student leader Alyssa Alano and community journalist RJ Nichole Ledesma.” Bahagi ng mensahe ng CHR.
Pagbabahagi ng CHR, nagsimula na ang kanilang tanggapan sa Negros Island Region ng isang independiyenteng imbestigasyon, katuwang ang mga civil society organizations, lokal na pamahalaan, at mga pwersang panseguridad, pati na rin ang pakikipag-ugnayan sa mga pamilya ng mga biktima.
“The CHR, through its office in the Negros Island Region, has initiated an independent investigation. Information from local human rights advocates prompted coordination with civil society organizations, local authorities, and security forces, including working with the families for the retrieval of the remains in Toboso and Escalante.” Dagdag pa ng CHR.
Ibinahagi rin ng Komisyon ang hindi pagkakatugma ng mga ulat kaugnay sa naganap na insidente partikular na hinggil sa pagkakakilanlan ng mga nasawi, kung saan iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mga miyembro ng armadong grupo ang mga ito, habang may ilang organisasyon namang nagsasabing sibilyan ang ilan sa mga biktima ng engkwentro.
Binigyang-diin din ng CHR na kinakailangan ang masusing beripikasyon batay sa ebidensya at naangokp na due process.
Ipinaalala rin ng Komisyon ang kahalagahan ng pagsunod sa International Humanitarian Law, kabilang ang pag-iwas sa walang habas na pag-atake at ang proteksyon sa mga sibilyan sa gitna ng armadong tunggalian.
Nagpahayag din ng pag-aalala ang CHR sa ulat na mahigit 100 pamilya ang naapektuhan at napilitang lumikas dahil sa insidente, dahilan upang panawagan ang Kumisyon sa mga awtoridad na tiyakin ang sapat na tulong, proteksyon, at akses sa pangunahing serbisyo para sa mga apektadong komunidad.
“Further, the CHR is concerned about reports that, due to the incident, over a hundred families were displaced. The Commission calls on authorities to ensure adequate humanitarian assistance, protection from further displacement, and access to basic services, in line with human rights and humanitarian standards.” Ayon pa sa CHR.
Nanawagan din ang Komisyon sa lahat ng panig na makipagtulungan sa imbestigasyon, pangalagaan ang ebidensya, at igalang ang karapatang pantao at mga umiiral na batas sa bansa.
Ayon sa CHR, ipinapakita ng insidente ang patuloy na epekto ng armadong tunggalian sa mga komunidad, lalo na sa mga nasa laylayan, at binigyang-diin ang pangangailangang tugunan ang ugat ng sigalot tulad ng kahirapan, hindi pagkakapantay-pantay, at usapin sa lupa upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan.
Una na ring nagpahayag ng dalamhati at panawagan sa kapayapaan si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza kasunod ng naganap na armadong sagupaan sa lugar at iginiit na ang bawat kamatayan maging anuman ang panig o partidong kinabibilangan ay maituturing na sugat hindi lamang para sa pamilyang naiwan kundi maging sa Simbahan.






