557 total views
Hinimok ni Filipino Cardinal Luis Antonio Tagle, Pro-Prefect ng Dicastery for Evangelization ang mga mananampalataya na kilalanin at sundin ang tinig ni Hesukristo bilang Mabuting Pastol, lalo na sa gitna ng paglaganap ng mga maling impormasyon at mapanlinlang na boses sa lipunan.
Ito ang bahagi ng mensahe ng Cardinal sa kanyang homiliya sa pagdiriwang ng Banal na Misa para sa ika-apat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay o Good Shepherd Sunday sa Pontificio Colegio Filipino sa Roma.
Binigyang-diin ni Cardinal Tagle na ang pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ay hindi lamang dapat magtapos sa isang araw na pagdiriwang kundi dapat patuloy na isabuhay sa pamamagitan ng patotoo ng pag-asa.
“Sometimes we reduce Easter to just one day, but it is a season… so we should give witness to the world of this source of hope for us, who is Jesus,” Bahagi ng pagninilay ni Cardinal Tagle.
Ipinaliwanag ni Cardinal Tagle na si Hesus ang Mabuting Pastol na nag-alay ng Kanyang buhay para sa Kanyang kawan at siya ring “pintuan” at “daan” tungo sa tunay na buhay.
“I am the gate for the sheep… If they pass through him going in and going out, if the path is Jesus, then you will have life. You will have pasture. You will find pasture only in Jesus,” Dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Binigyang-pansin din ng Cardinal ang malalim na ugnayan ni Kristo sa bawat mananampalataya, na personal na kumikilala sa bawat isa.
Ibinahagi rin ni Cardinal Tagle ang mas malalim na pag-unawa sa Mabuting Pastol bilang “Magandang Pastol” o Bel Pastore, na umaakit sa tao sa pamamagitan ng kagandahan ng Kanyang kabutihan.
Samantala, nagbabala rin si Cardinal Tagle sa mga mapanlinlang na tinig na nagpapanggap bilang katotohanan, lalo na sa makabagong panahon kung saan maaaring manipulahin ang impormasyon.
“There are many thieves and robbers pretending to be good shepherds… they can generate voices… and pretend that that generated voice is the voice of righteousness,” Ayon pa kay Cardinal Tagle.
Dahil dito, hinimok ng Cardinal ang mga mananampalataya na maging mapanuri at higit pang linangin ang kakayahang makilala ang tunay na tinig ng Mabuting Pastol.
“We need the serenity of the heart… so that when he speaks, we know it is his voice. And when others speak, we know that is false,” Dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Nanawagan din si Cardinal Tagle sa mga magulang at nakatatanda na gabayan ang mga kabataan na susunod na henerasyon sa pananampalataya partikular na sa pakikinig sa tinig ni Hesus bilang Mabuting Pastol.
Iginiit ng Cardinal na sa gitna ng maraming ingay at impormasyon sa kasalukuyan, nagiging mahirap para sa tao na makita at marinig ang presensya ng Panginoon.
“We are appealing to the parents and the grandparents, please guide the hearts and the conscience and the inner ear of your children, so that their inner ear will be intuned to the voice of the Shepherd.” Ayon pa kay Cardinal Tagle.
Panawagan ni Cardinal Tagle na huwag sayangin ang kaloob ng Diyos na Mabuting Pastol na gumagabay sa bawat mananampalataya, kung saan tulad ng mga tupang naligaw, inaanyayahan ang lahat na muling kumapit kay Kristo bilang Pastol at tagapagbantay ng kaluluwa.






