139 total views

Homiliya para sa Solemnidad ng Kabanal-banalang Santatlo, 31 Mayo 2026, Juan 3:16-18.
“Ang biyaya ng ating Panginoong Hesukristo, ang Pag-ibig ng Diyos Ama, at ang pakikipagkaisa ng Espiritu Santo nawa’y sumainyong lahat.”
(Napasagot tuloy kayo ng “At sumainyo rin!” Salamat po, pero ang kilala ninyong pagbating ito ng pari sa simula ng Misa ay galing sa ating pangalawang pagbasa kay San Pablo—2 Cor 13:13. Isa ito sa pinakaunang pagsasabuod ng doktrina ng Banal na Santatlo, ang solemnidad na ipinagdiriwang natin at pinagpipiyesta ninyo ngayon dahil sa misteryong ito ng Diyos ipinangalan ang inyong simbahan: Santisima Trinidad.)
Ilang siglo ring pinagtalunan ng mga Kristiyano ang tungkol sa misteryo ng Diyos na Santatlo—tatlong persona pero iisang Diyos, Ama, Anak, at Espiritu Santo. Kaya may kuwento tungkol kay San Agustin at sa pagsusumikap niyang maunawaan ang kahulugan ng doktrina ng Diyos na Trinidad o Santatlo.
Nagpakita daw sa kanya ang Niño Hesus na naglalaro sa may dalampasigan. Pinagmasdan siya ni Agustin habang pinagmumunihan nito ang misteryo ng Santisima Trinidad. Gumawa daw ng maliit na hukay ang bata sa may buhanginan. Gamit ang maliit na kabibe, pabalik-balik siyang tumatakbo para umigib ng tubig sa dagat at ibinubuhos ito sa maliit na hukay sa buhangin.
Tinanong siya ni San Agustin: “Bata, ano ang ginagawa mo?” Sagot ng bata: “Gusto kong ilipat ang tubig ng dagat sa ginawa kong hukay.” Natawa daw si Agustin at sinabi, “Nahihibang ka ba? Paano mo maililipat ang tubig ng dagat sa maliit mong hukay? Babalik lang at babalik sa dagat ang iniigib mong tubig.”
Sabi ng bata: “Alam mo pala e. E bakit pilit mong gustong ipasok sa maliit mong utak ang buong misteryo ng Diyos?” Noon natauhan si San Agustin at naglaho daw ang Santo Niño. Pero nakuha niya ang punto.
Misteryo ang tawag sa doktrina tungkol sa Banal na Santatlo. Ang salin sa Latin ng Griyegong salitang musterion o misteryo sa Tagalog ay sacramentum. Sa Tagalog, pag sinabing misteryoso o mahiwaga ang isang bagay, ibig sabihin, mahirap intindihin o unawain. Sa salitang Latin na sacramentum, naroon pa rin ang elemento ng hiwaga, pero ang diin nito ay kung paano nagpapakita ang hiwagang di nakikita. Kaya madalas idefine ang misteryo bilang tandang nakikita na tumuturo sa biyayang di nakikita.
Parang kabalintunaan di ba? Sikapin nating unawain.
Kahit totoong laging lampas sa atin ang Diyos na Banal, may mga tanda na tumuturo sa atin sa kanya at mga paraan na umaakay sa atin sa kanya. Dalawang bagay ito: tanda at paraan. Simulan natin sa tanda. Ito ang silbi ng daliri kapag itinuro mo sa bata ang buwan. Tagaturo lang. Susundin mo ang daliri para makita mo ang buwan. Pag nakita mo na ang buwan, hindi mo na kailangan ang daliri.
Ang sakramento ay hindi lang tanda; paraan din. Kung naituturo ng mapa ang direksyon papunta sa ibig mong puntahan, ang sasakyan ay paraan para maabot mo ang lugar na gusto mong tunguhin.
Sa pag-unawa sa misteryo ng Santatlo, tayo mismong mga tao ay parang sakramento—tanda at paraan. Ito ang ipinahihiwatig ng simula ng Bibliya sa aklat ng Genesis: na ang pinakaimportanteng tanda na magpapaunawa sa atin sa Diyos ay ang tao mismo. Na tayo ay hugis at wangis ng Diyos.
Bakit? Dahil ang pagiging isa ng Diyos ay hindi pag-iisa kundi pagkakaisa. Kaya parang nakikita natin ang anyo ng Diyos sa mga taong pinagkakaisa ng pag-ibig, katulad ng mag-asawa na nakakabuo ng pamilya. Di ba’t sinabi sa Genesis, nilikha ng Diyos ang tao; nilikha silang babae at lalaki. Pero sa chapter 2, galing daw sila sa iisang laman at dugo. Kaya siguro “kabiyak” ang tawag sa Tagalog sa asawa. Na hinugot daw sa tao ang isang bahagi niya at ginawang kapwa-tao niya. Kaya daw itinadhanang hanapin ng tao ang kabiyak niya upang sa pagbubuklod nila ng puso at kaluluwa bilang mag-asawa, upang magkaisang-dibdib, nagiging ganap ang pagkatao niya at pagiging kawangis ng Diyos. Likas sa atin ang pakikipagkapwa at pagbubuo ng samahan na nagpapaunlad, hindi lang sa tao kundi sa buong mundo.
May isang kantang simbahan na sigurado akong kilala ninyo. Ganito ang sinasabi, “Pagkat ang Diyos nati’y Diyos ng pag-ibig, magmahalan tayo’t magtulungan…”
Hindi kataka-taka na tawagin natin siyang Diyos ng pag-ibig, dahil sa unang pagbasa, nang ipakilala mismo ng Diyos ang kanyang sarili kay Moises, hindi niya sinabing siya ay makapangyarihan o nakakatakot; sinabi niyang siya ay mahabagin, mapagpala, at sagana sa tapat na pag-ibig.
Ibig sabihin, dahil nilikha tayo upang maging kalarawan ng Diyos ng Pag-ibig, nagiging tunay na tao lamang tayo kapag sa kabila ng ating pagkakaiba, pinagkakaisa tayo ng pag-ibig: bilang pamilya, bilang komunidad, bilang sangkatauhan.
Sa madaling salita, tayo mismo ang tanda at daan patungo sa Diyos.
At ayon nga sa Ebanghelyo, hindi nanatiling nakatago ang pag-ibig na ito ng Diyos. “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya ibinigay niya ang kanyang Bugtong na Anak.” Ang Diyos na pag-ibig ay Diyos na nagbibigay ng sarili.
Na tayo ay nilikhang likas na mabuti, totoo at maganda. Na ang pinakamalinaw na tanda ng pagsasaatin ng Diyos ay kapag ang ating pagkakaiba, imbes na maging daan ng hidwaan, ay maging daan ng pagkakaisa upang magningning sa atin ang anyo ng Diyos na Santatlo. Amen.






