1,867 total reads
Hindi lamang sa dami ng balotang naipasok sa automated counting machines (ACM) dapat masukat ang tagumpay ng kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections, kundi sa kung malaya at may kumpiyansa na mga botante sa pagpili ng kanilang mga lider.
Sa panayam sa programang Veritas Pilipinas sinabi ni Atty. Helen Maureen Graido, Legal Network for Truthful Elections (LENTE) Consultant for Policy and Legislation, na mahalagang masiguro na walang karahasan, pananakot, intimidation o iba pang uri ng undue influence na maaaring makialam sa desisyon ng mga botante.
“Parati nga po namin sinasabi, ang success ng election ay actually mai-trace back sa mga botante: kung sila po ba nung sila ay nag-shade at pumunta sa voting center, naisapuso at naisaisip nila ‘yung mga desisyon na itinaya po nila,” Bahagi ng pahayag ni Graido sa Radyo Veritas.
Pagbabahagi ni Graido, “Kasi pwede po natin na sabihin na yes, nakompleto ang eleksyon kung sasabihin natin na ang lahat ng balota ay nai-feed sa ACM, kung ‘yun po ang pamantayan ng isang successful na election,”
Ayon pa kay Graido, ang boto ay pagtaya ng mga mamamayan sa mga taong o grupong nais nilang mamuno, kaya kailangang mapangalagaan ang kalayaan ng kanilang pagpili.
“Ang boto ay pagtataya sa mga taong gusto nating mamuno or mga grupong gusto nating mamuno sa atin. So nagawa po ba ‘yun? Na-secure po ba ‘yung freedom na ‘yun when they go to the polling places?” Dagdag Graido.
Samantala, iniulat ng LENTE na may mga insidente ng vote buying na naitala batay sa mga ulat ng kanilang long-term at short-term monitors sa ground.
Ayon kay Graido, maaaring mangyari ang vote buying sa iba’t ibang paraan—mula sa pamimigay ng groceries, food vouchers at iba pang goods hanggang sa pangako ng trabaho, kontrata o impluwensya.
“Masasabi natin na meron at meron po ‘yan dito sa Bangsamoro. Nakakalungkot man isipin, pero ito po ang katotohanan kasi ito po ay nanggaling sa mga reports ng mga monitors na atin pong dineploy dito sa Bangsamoro,” Ayon pa kay Graido.
Para sa LENTE, ang mga datos at ulat mula sa halalan ay dapat magsilbing batayan ng mga reporma upang higit na mapalakas ang tiwala ng publiko sa proseso at resulta ng mga demokratikong halalan.
“After po ng kahapon, simula po today, lahat ng data na ito, ang kasunod nito ay mga reforma na po, kasi nga babalik at babalik tayo sa confidence,” Ani Graido.
Sa pananaw ng Church, mahalagang bahagi ng demokrasya ang malayang pagpapasya ng mamamayan at ang paggalang sa dignidad ng bawat botante kung saan ang isang mapayapa, malinis at mapagkakatiwalaang halalan ay mahalagang hakbang tungo sa pamahalaang tunay na naglilingkod sa kabutihang panlahat.




