157 total views
Humingi ng paumanhin ang pinunong lingkod ng Arkidiyosesis ng Maynila sa mga kabataan hinggil sa masalimuot na lipunang ipinamamana ng mga nakatatanda.
Ayon kay Luis Antonio Cardinal Tagle, laganap sa lipunan ang iba’t-ibang uri ng kasamaan na maaring makalalason sa murang kaisipan ng mga kabataan.
“Humihingi ako ng kapatawaran kung ang mundo na aming ibinibigay sa inyo at ipinapamana ay toxic sa kabulaanan, toxic sa fake news, fake reporting coming only from fake hearts, dahil sa karahasan, bullying, dahil sa pananakot, dahil sa korapsyon, at dahil sa pagiging ganid,” mensahe ni Cardinal Tagle.
Bukod dito ay hiniling din ng Cardinal sa mga kabataan ang kapatawaran sa mga gabing tahimik subalit nababalot ng kasamaan dahil sa krimen, pananamantala at digmaang sumisira sa pamayanan.
Sinabi ng Kardinal na ang mga masasamang pangyayari sa lipunan ang dahilan ng pagkawala ng kabanalang hatid ng Panginoong Hesus sa sanlibutan sa gitna ng katahimikan ng kaniyang pagdating.
Iginiit ni Cardinal Tagle na hindi karapat-dapat ang mga kabataan tumanggap at magdusa sa mundong puno ng karahasan, kaguluhan at hindi pagkakasundo.
Dahil dito hinamon ni Cardinal Tagle ang mga kabataan na huwag hayaang mamayani at mananatili ang masalimuot at magulong lipunan kundi bilang bata ay gumawa ng hakbang upang malutas ang suliraning umiiral sa bayan.
“You, young people can make this world better for the Savior was a child.” ani ng Cardinal.
Ang pagninilay ni Cardinal Tagle sa Araw ng Pasko ay naaayon sa pagdiriwang ng Simbahang Katolika sa Taon ng mga Kabataan.
Hinihimok ang mga kabataan na maging aktibong kasapi ng Simbahan at maging tagapagpapalaganap ng Mabuting Balita sa sambayanan.
Ipinaalala ng Kardinal na sa kabila ng pagiging bata ni Hesus ay kinilala itong hari ng sanlibutan at hatid ng kaniyang pagdating ang pagkakaisa at kapayapaan sa lipunan.