551 total views
Kapanalig, nakikita mo na ba ang koneksyon ng mga pang-araw araw mong gawain sa nadarama mong climate change at polusyon ngayon?
Tukuyin natin ito at umpisahan sa pag-gamit mo ng kuryente. Ang pinaka-komon na source o pinang-galingan ng enerhiya ay coal production, sa ating bayan at maraming bayan sa Asya. Sa mga plantang ito, ang coal production ay nag-gegenerate ng methane at karbon na pumupunta lamang sa kalawakan o atmosphere. Ang mga methane at karbon na ito ay mga greenhouse gas emissions na nagpapainit ng mundo. Ayon sa International Energy Agency (IEA), ang coal production ay bumubuo ng 46% ng pandaigdigang CO2 emissions.
Sa transport naman, kapanalig. Malaki rin ang kontribusyon ng pag-gamit ng mga oto sa pagtaas ng greenhouse gas emissions sa mundo. Tinatayang 23% ng carbon emissions ay mula naman sa transport. Kung tayo ay nagrereklamo sa traffic, ang kalawakan naman, kapanalig, ay nasasakal na sa mga emisyon na dala ng pandaigdigang transport industry.
Ang energy at transport sector, kapanalig, ay pinanggagalingan ng malaking bulko ng greenhouse gas emissions sa buong mundo. Ang greenhouse gas emissions na ito ay nagdudulot ng climate change at polusyon. Habang tumataas ang demand natin para sa enerhiya at sasakyan, patuloy na tataas ang coal production, patuloy na tataas ang emisyon.
Ang malungkot kapanalig, hindi lamang climate change ang dulot nito. Maari rin itong magdala ng sakit. Ang polusyon mula sa coal production at transport emissions ay maaring pumasok sa baga ng tao. Ito ay maaring magdulot ng kamatayan. Ayon sa World Health Organization, umaabot ng pitong million ang premature deaths mula sa polusyon sa buong mundo kada taon.
Kapanalig, sa usaping pag-gamit ng enerhiya at ng sasakyan, malaki ang ating maaring maging kontribuyon. Malaki ang ating magagawa upang mabawasan ang mga greenhouse gas emissions na dulot ng ating mataas na antas ng pag-gamit ng enerhiya at langis para sa kuryente at sasakyan.
Ang ating konting pagtitipid sa kuryente at gas ay malaking alay na sa inang kalikasan. Ang pagbawas natin sa pag-gamit ng sasakyan kung kaya mo namang maglakad, ang hindi pag-gamit ng aircon habang malamig naman ang panahon, lahat ng ito ay maliit na gawain ngunit malaki na ang ambag sa laban sa polusyon at climate change.
Kapanalig, si St. Pope John Paul II ay may iniwang pahayag noon sa kanyang World Day of Peace Letter noong 1990 pa kung saan pinapaalala niya sa atin ang ating responsibilidad sa mundo, sa ating kapwa at sa ating sarili: Delicate ecological balances are upset by the uncontrolled destruction of animal and plant life or by a reckless exploitation of natural resources. It should be pointed out that all of this, even if carried out in the name of progress and well-being, is ultimately to humankind’s disadvantage…. An education in ecological responsibility is urgent: responsibility for oneself, for others, and for the earth.”