1,269 total views
Nagpahayag ng pakikiisa ang Arkidiyosesis ng Cebu sa pamahalaang lungsod ng Cebu sa pagdedeklara ng January 16, 2026 bilang “Day of Mourning” para sa mga biktima ng trahedyang naganap sa Binaliw landfill.
Ayon kay Cebu Archbishop Alberto Uy, mahalagang ipagdasal ang lahat ng mga biktima at kanilang mga mahal sa buhay na dumaranas ng patuloy na pagdadalamhati at kawalan ng katiyakan.
Bilang pakikiisa at panalangin, hiniling ng Arsobispo sa lahat ng parokya sa Arkidiyosesis ng Cebu na ialay ang lahat ng Banal na Misa sa itinakdang araw sa ika-16 ng Enero, 2026 para sa mga nasawi, gayundin para sa kanilang mga naulila at mahal sa buhay.
“The Archdiocese of Cebu joins the Cebu City Government in declaring January 16 as a “Day of Mourning” for the victims of the Binaliw landfill tragedy… We ask all parishes in the Archdiocese to offer all Masses on this day for the victims of the tragedy and for their grieving families and loved ones. May the Lord grant eternal rest to those who have died and comfort to those who mourn.” Bahagi ng pahayag ni Archbishop Uy.
Nanawagan din ang Arkidiyosesis ng Cebu ng patuloy na panalangin, pakikiisa, at malasakit para sa mga pamilyang apektado ng trahedya, habang patuloy ang paghahanap sa mga nawawala at ang pagtugon sa pangangailangan ng mga biktima ng naganap na trahedya.
Sa kasalukuyan umabot na sa 13 ang kumpirmadong nasawi, habang mahigit pa sa 20 katao ang patuloy pang hinahanap.
Una ng nanawagan ng sama-samang panalangin at pakikiisa si Archbishop Uy para sa mga biktima ng landslide sa Prime Waste Solutions Cebu Landfill sa Barangay Binaliw, Cebu City na naganap noong ika-8 ng Enero, 2026.




