6,146 total views
Naglabas ng mga paalalang pangliturhikal ang Archdiocese of Manila kaugnay sa pagpili ng bagong Santo Papa ng Simbahang Katolika.
Kasunod ito ng pahayag mula sa Vatican at ng College of Cardinals na hinihikayat ang mga mananampalataya na sama-samang manalangin para sa nalalapit na conclave, upang ang pagpili ng bagong Santo Papa ay tunay na magabayan ng Banal na Espiritu.
Para sa mga araw bago at habang isinasagawa ang conclave, hinihiling ang pakikibahagi ng sambayanan sa pagdiriwang ng mga Banal na Misa, pananalangin sa Banal na Sakramento, Liturgy of the Hours, personal na panalangin, at pagdarasal ng Santo Rosaryo bilang pakikiisa sa simbahan.
Kabilang dito ang pag-usal sa lahat ng Misa ng Panalangin para sa Pagpili ng Santo Papa matapos ang Panalangin pagkatapos ng Pakikinabang, kapalit ng Oratio Imperata para sa Bayan, simula ngayong Sabado ng gabi, May 3, 2025, hanggang sa pagkahalal ng bagong punong pastol ng Simbahang Katolika.
Bukod dito, maaari ring magdagdag ng karagdagang intensyon sa Panalangin ng Bayan.
Sa May 7, 2025, kasabay ng pagsisimula ng conclave, ang lahat ng mga Misa sa parokya at mga pamayanan ay iaalay para sa pagpili ng Santo Papa.
Kapag napili at naihalal na ang bagong Santo Papa, babanggitin na ang kanyang pangalan sa Eucharistic Prayers, gayundin ang pag-usal ng panalangin ng pasasalamat para sa pagkakaloob ng bagong pinuno ng Simbahang Katolika, o kaya’y pagdadagdag ng karagdagang intensyon sa Panalangin ng Bayan.
Itinakda ng College of Cardinals ang pagsisimula ng conclave sa May 7, na gaganapin sa Sistine Chapel ng Vatican.
Sa kasalukuyan, 133 sa 252 mga kardinal sa buong mundo ang kumpirmadong makalalahok sa pagpili ng bagong Santo Papa na magpapastol sa mahigit 1.4 bilyong katoliko.
Kabilang sa cardinal-electors mula sa Pilipinas sina Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David, Vatican Dicastery for Evangelization former Pro-Prefect, Luis Antonio Cardinal Tagle, at Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.








