6,251 total views
Inihalal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines si Lipa Archbishop Gilbert Garcera bilang bagong pangulo ng kalipunan. Ang arsobispo ang hahalili kay Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David na matatapos ang termino sa November 30, 2025.
Naihalal din ng kalipunan si Zamboanga Archbishop Julius Tonel bilang Vice President na hahalili kay Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara na matatapos din ang termino sa Nobyembre.
Si Archbishop Garcera ay kasalukuyang regional representative ng Southeast Luzon habang si Archbishop Tonel naman ang kinatawan ng South Mindanao sa CBCP.
Bago maordinahang obispo noong 2007 si Archbishop Garcera ay nagsilbing secretary general ng CBCP, executive secretary ng Episcopal Commission on Mission at national director ng Pontifical Mission Society.
Nagsilbi rin ang arsobispo bilang chairman ng Office on Laity and Family ng Federation of Asian Bishops’ Conferences.
Samantala si Archbishop Tonel naman ay dating chairperson ng CBCP Commission on Liturgy at kasalukuyang namumuno sa Committee on Bishops’ Concern.
Ang mga opisyal ng CBCP ay maglilingkod sa loob ng dalawang taon para sa isang termino at maaring muling ihalal sa pangalawang termino o kabuuang apat na taong pamumuno.
Kasalukuyang may 126 na miyembro ang CBCP kung saan 87 ang aktibong obispo, 38 ang mga retirado at tatlong diocesan priest-administrators.
Dalawang beses sa isang taon ang pagpupulong ng kapulungan at kung walang pagtitipon ang CBCP ang permanent council ang magsisilbing kinatawan ng buong kapulungan.