526 total views
Kapanalig, may pag-aaral noong 2019 na nagsasabi na tinatayang mga 18.2 milyong trabaho ang maapektuhan sakaling yakapin ng bansa ang automation.
Marami ang kakaba-kaba dahil dito, lalo pa’t maraming Filipino ang kababalik pa lamang sa trabaho at iba pang pinagkakakitaan dahil sa epekto ng pandemya. Ano ba ang maaaring gawin ng ating bayan upang ating epektibong maharap ito?
Tinatayang tatamaan ng automation ang ilang mga major industries ng ating bayan. Kasama na rito ay ang agriculture, kung saan tinatayang halos mga kalahati ng ating manggagawa sa sektor ay maaaring maapektuhan. Malaki rin ang epekto ng automation sa mga industriya gaya ng manufacturing at transportation.
Kapanalig, may mga ganito mang hamon sa trabaho ng ating mga manggagawa, may dala rin naman biyaya ito. Marami mang trabahao ang maaapektuhan nito, marami ring trabaho ang malilikha nito. Kailangan lamang maging handa ang ating bansa na ma-maximize ang mga oportunidad na dadalhin nito sa bayan.
Ang pinaka-mabisang sagot sa mga hamon ng automation ay ang edukasyon at pagsasanay ng mga manggagawa ng bayan. Ang paghahanda sa mga bagong trabahong darating ay hindi sapat kung walang karagdagang pagsasanay. Ito ay dahil mababago na ang mga proseso at hakbang sa produksyon. Gagamit na ng makabagong teknolohiya at makina na magpapabilis pa ng trabaho. Kung hindi natin kayang panghawakan ito, hindi natin ma-maximize ang mga oportunidad na dala ng automation.
Malaking hamon ito kapanalig, sa ating education system na ngayon pa lang ay humahabol sa mga learning losses na dulot ng pandemic. Hinaharap din nito ang digital divide na hanggang ngayon ay problema pa rin lalo na sa mga remote areas ng bayan.
Kaya’t sana bilis-bilisan ng ating pamahalaan ang mga reporma sa education sector ng bayan upang masiguro na lahat ng mga mamamayan ay may laban sa mga pagbabago ng work landscape sa ating bayan, pati na rin sa buong mundo. Kailangan makita ng pamahalaan an dapat iprayoridad din ito, dahil ito ang magsisisiguro ng mas mabuting kinabukasan hindi lamang para sa mga pamilya ng mga manggagawa, kundi ng ating bayan.
Kapanalig, ang patuloy na pagsasanay at edukasyon – o lifelong learning – ay sangkap din ng ating dignidad bilang tao. Sa ganitong paraan pinagyayaman natin ang biyaya ng Diyos. Sa ganitong paraan, nakakahanap tayo ng maayos at marangal na trabaho. Sabi nga sa Laudato Si, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan: Work is a necessity, part of the meaning of life on this earth, a path to growth, human development and personal fulfilment. Ang pagsisiguro na lahat ay may access sa trabaho na magbibigay buhay sa atin at sa ating pamilya ay tungkulin at moral na obligasyon nating lahat at ng pamahalaan.
Sumainyo ang Katotohanan.