14,639 total views
Humiling ng panalangin si Cotabato Archbishop Charlie Inzon sa pagsisimula ng kanyang paglilingkod bilang bagong pinunong pastol ng Archdiocese of Cotabato.
Ayon sa arsobispo, mahalaga ang patuloy na panalangin upang manatiling nakaangkla sa puso ni Hesus ang kanyang pagiging pastol sa mahigit isang milyong Katoliko sa arkidiyosesis.
“As I begin in this new ministry of leadership in the Archdiocese of Cotabato, I ask for your prayers that my heart may be shaped after the heart of Jesus; as a shepherd attentive to the needs of the flock,” ayon kay Archbishop Inzon.
Ibinahagi ng arsobispo na hindi niya inaasahan ang mga tungkuling ipinagkatiwala sa kanya sa paglipas ng panahon mula sa pagiging payak na misyonero ng Oblates of Mary Immaculate, hanggang sa pangangasiwa sa mga eskwelahan ng kongregasyon, pagiging provincial superior, at pagkakatatalaga bilang obispo noong 2020.
Hangad ng Arsobispo na magampanan ang misyon nang may kababaang-loob, katapatan, at diwa ng simbahan na sama-samang naglalakbay.
“A servant leader committed to serving rather than being served, and a faithful steward exercising leadership with transparency, accountability, courage, and love,” dagdag ng arsobispo.
Iginiit ni Archbishop Inzon na ang pagtatalaga sa kanya sa mas malalaking tungkulin ay bahagi ng mas malalim na panawagan ng Diyos.
“What I do know now is that I surrender to His will, trusting that He knows what is good for me and for His Church. I entrust everything to Mary Immaculate, my constant companion,” ayon kay Archbishop Inzon.
Pormal na niluklok si Archbishop Inzon sa Immaculate Conception Cathedral sa Cotabato City sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi kay Maria at ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng arkidiyosesis.
Pinangunahan ang rito ng pagluklok ni Archbishop Emeritus Angelito Lampon kasama si Cardinal Orlando Quevedo, at dinaluhan ng mga pari ng KidMaCo sub-region, mga obispo mula sa iba’t ibang diyosesis, mga opisyal ng CBCP, lokal na pamahalaan, at mananampalataya.
Kasabay ng kanyang panunungkulan sa Cotabato, ipinagkatiwala pa rin ng Vatican kay Archbishop Inzon ang pansamantalang pamumuno sa sede vacante ng Bikaryato ng Jolo hanggang makapagtalaga ang Santo Papa ng kahalili.




