278 total views
Nakapag-swimming na ba kayo ngayong tag-init? Sa inyong muling pagbisita sa mga beaches ng ating bayan, malinis pa rin ba sila at kahalina-halina, o dumami na ang mga basurang lumulutang lutang dito?
Kapanalig, napakalaking problema ng basura sa ating bayan. Taon taon, parami ng parami ang ating nalilikhang basura. Tinatayang mula 2022 hanggang 2025, ang basurang ating malilikha ay aabot ng 92 milyong tonelada.
Napakalaking problema nito kapanalig. Tayo nga ay sinasabing Top 4 waste generator sa Southeast Asia at isa sa top ocean polluters sa buong mundo. Ang basura natin sa lupa, kapanalig, umaabot na sa karagatan. Hindi lamang ito nagdudumi ng katawang tubig, pumapatay rin ito ng hayop at halaman, mga resources na nagbibigay buhay at kabuhayan sa ating bansa.
Maraming mga salik kung bakit kay hirap mabawasan ang basura sa ating bayan. Isa na rito ay ang pamamayagpag ng pag-gamit ng plastic sa ating bayan. Napakalaking industriya nito, kapanalig, at vital din naman sa ekonomiya ng bayan at sa buhay nating mga Filipino. Ayon nga sa World Bank, nag-ambag ito ng $2.3 billion dollars sa kaban ng bayan noong 2018 at nagbigay ito ng mababang presyo ng mga consumer goods, na siya namang tinatangkilik ng malaking porsyento ng ating mamamayan. May mga projections na nagsasabi na umaabot sa 163 million piraso ng sachets ang ginagamit ng ating bayan araw-araw.
Para mabawasan ito, maganda sana na ma recycle man lang natin ang malaking bahagi nito. Kaya lamang, mga 28% lamang ng mga plastic resins ang ating narerecyle, ang natitira, sa basura lamang napupunta.
Kapanalig, marami pang kailangan gawin ang ating bansa upang mabawasan ang basurang ating kinakalat sa mundo. Ang mahirap, nadagdagan pa ito ngayong pandemya dahil may mga panibagong materyal na naman tayong naging basura – ang ating mga face masks, mga testing kits, food packaging, at iba pa.
Kailangang mapa-igi pa natin ang mga waste facilities ng ating bayan – hindi lamang puro dumpsite at landfill ang gawin natin, kapanalig. Kailangan nating dagdagan ang mga waste recovery facilities, mula sa lebel ng komunidad, hanggang sa national level. Kung maaari lamang sana nga ay mapa-igting pa natin ang waste recovery hanggang sa lebel ng kabahayan, mas mainam. Sa ngayon, sama sama ang basura ng maraming kabahayan dahil pakiramdam nila, sama sama rin naman lahat sa garbage collection. Wala rin masyadong nakaka-alam ng mga waste recycling facilities, sa loob at labas ng mga pamayanan.
Kapanalig, sa basura, kitang kita na tao ang isa sa pangunahing dahilan ng pagkasira ng mundo. Ayon nga sa Laudato Si: The human environment and the natural environment deteriorate together; we cannot adequately combat environmental degradation unless we attend to causes related to human and social degradation. Nasa ating mga kamay din kapanalig, ang panunumbalik ng ganda at linis ng ating kapaligiran. Sana’y mas mabilis ang pagkilos natin para dito, bago mahuli ang lahat.
Sumainyo ang Katotohanan.