3,871 total views
Igagawad ng Cooperative Development Authority (CDA) ang pagkilala at parangal sa programang ‘Buhay Kooperatiba’ ng himpilan ng Radio Veritas 846 sa gaganaping CDA Gawad Parangal Awarding Ceremony sa Philippine International Concvention Center sa October 13.
Ang Gawad Parangal ay ang pagbibigay parangal ng ahensya sa mga indibidwal, institusyon, programa, lokal na pamahalaan, media partners at kompanya nagsasabuhay ng mga mabubuting adhikain ng mga kooperatiba.
Ipinaparating naman ni Jojie Marasigan – Anchor ng Buhay Kooperatiba ang pasasalamat sa tatanggaping parangal sa CDA at himpilan ng Radio Veritas.
Ayon kay Marasigan, ang naunang sampung taon na pag-ere ng Buhay Kooperatiba ay simula pa lamang ng pagpapatuloy ng mga katulad na sangay ng simbahan sa pagsusulong sa mga layunin ng mga kooperatiba.
“Salamat sa Cooperative Development Authority sa pagbibigay Ng Gawad Parangal bilang pagkilala sa programang Buhay Kooperatiba bilang partner sa pagpapalaganap Ng kilusang kooperatiba, salamat din sa Radio Veritas sa walang sawang pagsuporta sa Buhay Kooperatiba program sa loob Ng mahigit sampung taon, sa tulong ng Diyos, nawa ay maipagpatuloy natin Ang pagpapalaganap Ng kaalaman at mahahalagang impormasyon tungkol sa kilusang kooperatiba tungo sa maunlad na Buhay para sa ating sambayanan,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Marasigan sa Radio Veritas.
Patuloy din ang paggunita ng CDA sa buong buwan ng Oktubre bilang National Cooperative Month kung saan idinadaos ang mga gawain sa ibat-ibang regional at national branches ng ahensya.
Ilan sa mga gawain ay ang mga livelihood programs, job fares at seminars na inahahandog para sa mga miyembro ng kooperatiba at maging sa mga payak na mamamayan upang higit na umusbong ang kooperatibismo sa lipunan.
Sa opening ceremony ng COOP Month na may temang “Cooperatives: Pioneering the Path to Recovery Amidst Modern Challenges of Climate Change and Food Security” ay iniulat na umaabot na sa higit 20-libo ang kabuoang bilang ng mga kooperatiba na binubuo ng mahigit na 19-milyong miyembro sa Pilipinas.
Patuloy ding hinihimok ni CDA Chairman Joseph Encabo ang mamamayan higit na ang mga miyembro ng mga Church-based Cooperatives na palawigin at himukin ang kanilang kapwa tungo sa pakikiisa sa mga kooperatiba.