232 total views
Nag-alay ng panalangin ang Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle para sa nalalapit na 2019 Midterm Elections sa ika-13 ng Mayo.
Sa pagninilay ni Cardinal Tagle, pinasalamatan nito ang kalayaan at responsibilidad na biyaya ng Panginoon sa mga tao at ang pagkakataong gamitin ito sa pagboto.
Sinabi ni Cardinal Tagle na ang kalayaan at responsibilidad sa pagboto ang sumasagisag sa pagkalinga ng mamamayan sa lipunan, dignidad ng buhay at ng kalikasan.
“Salamat na kami ay may pagkakataon na gamitin ang aming kalayaan at responsibilidad sa pamamagitan ng pagboto. Ito po ay sagisag ng aming pagkalinga sa bayan na sa iyo rin naman nagmula. Ito ay sagisag ng aming pananagutan na itaguyod ang kabutihan ng lahat ng mamamayan. Itaguyod ang dignidad, buhay at pati ang kalikasan.” Pahayag ni Cardinal Tagle sa Radyo Veritas.
Nanawagan din si Cardinal Tagle na nawa ay huwag sirain ng tao ang dangal sa pagboto ng kanyang kapwa o kanyang sarili.
Ipinaalala ng Kardinal na matapos gampanan ng bawat mamamayan ang kanilang tungkulin sa pagpili ng karapat-dapat na pinuno ay mahalagang magpatuloy pa rin ang pagkalinga ng bawat isa sa bayan bilang isang mabuting Kristiyano at mamamayang bahagi ng lipunan.
“Kami po nawa ay maging responsable, ang aming dangal ng pagboto ay huwag naming sisirain at pagkatapos ng aming pagpili sa mga karapatdapat na pinuno, patuloy nawa naming kalingain ang aming bayan bilang mabubuting Kristiyano at mamamayan.” Dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Panalangin ni Cardinal Tagle
“Minamahal naming Diyos ng aming buhay at kasaysayan, nagpapasalamat po kami, kami’y iyong nilikha na mayroong kalayaan at dangal. Salamat din na kami ay may pagkakataon na gamitin ang aming kalayaan at responsibilidad sa pamamagitan ng pagboto.
Ito po ay sagisag ng aming pagkalinga sa bayan na sa iyo rin naman nagmula. Ito ay sagisag ng aming pananagutan na itaguyod ang kabutihan ng lahat ng mamamayan. Itaguyod ang dignidad, buhay at pati ang kalikasan.
Humaharap po ang bayang Filipino sa isa na namang eleksyon. Kami po nawa ay maging responsable, ang aming dangal ng pagboto ay huwag naming sisirain at pagkatapos ng aming pagpili sa mga karapatdapat na pinuno, patuloy nawa naming kalingain ang aming bayan bilang mabubuting Kristiyano at mamamayan. Hinihiling po namin ito sangalan ni Kristong aming Panginoon, Amen.”