3,920 total views
Nakipagtulungan ang Caritas Manila sa mga online platform upang higit mapalawak ang Segunda Mana Program.
Nakipagkasundo ang Social Arm ng Archdiocese of Manila sa nangungunang home improvement at interior design Facebook Group na ‘Homebuddies’ na mayroong 80-libong miyembro upang makapagdaos ng donation drive at maghandog ng mga preloved items.
Ayon kay Homebuddies Founder and Admin Mayora Francis, ang inisyatibo ay upang matiyak na bukod sa simbahan ay makakatulong din ang grupo sa pagpick-up ng iba pang pre-loved items donations.
“Inimbitahan namin ang Caritas Manila Today dahil alam kong may Segunda Mana Program kung saan after nila magtinda, pag may hindi nabenta, gusto namin i-donate nalang nila para mas makatulong tayo sa mas maraming tao and tuluyan na ngang ma-declutter ang mga bahay natin, iniimbitahan ko rin kayong sumuporta sa proyekto ng Caritas Manila, ang tinatawag na Segunda Mana kung saan maari kayong mag-donate ng mga preloved items dahil pwede rin silang magpick-up sa mga bahay ninyo para makatulong tayo na makapag-paaral ng mga bata na nangangailangan,” bahagi ng panayam at paanyaya sa Caritas Manila ni Frances.
Bukod sa tulong sa mga nangangailangan ay tiniyak ni Frances na maisusulong nito ang adbokasiyang ‘Reduce, Reuse at Declutter’ kung saan mapapabuti ang kalagayan ng kalikasan at maayos na pamumuhay ng mga donors o nais magbahagi ng kanilang mapapakinabangan pang preloved items.
Bukod sa pagpapaaral ng mga YSLEP scholars ay nagagamit din ang pondo mula sa Segunda Mana sa Caritas Damayan program bilang pagtugon sa pangangailangan ng mga nasalanta ng kalamidad at kanilang rehabilitasyon.