238 total views
Pinasalamatan ni Father Bede Lee, Social Action Center Director ng Diocese of Baguio at Director ng Our Farmer’s Haven sa Benguet, ang Caritas Manila at Caritas Margins sa pagtulong sa mga magsasaka ng Benguet na madala sa merkado ang kanilang mga produkto.
Ayon kay Father Lee, isang malaking biyaya para sa mga magsasaka ang patuloy na pagtangkilik sa kanilang mga organic na pananim, dahil ito ang ang kanilang pangunahing pinagkakakitaan.
Dagdag pa ng Pari, bukod sa makatutulong sa mga magsasaka ang pagbili ng kanilang produkto ay malaki rin ang mabuting maidudulot ng mga gulay sa mga mamamayan sa Metro Manila.
“Thank you for Manila Caritas, without your help, it will be hard for us to move on in Manila, since our farmers are located in Benguet a remote area so this is our mission to promote more our organic production to encourage the farmers so we can also make a linkage with the consumers who are expecting healthy food for Manila based.” pahayag ni Father Lee sa Radyo Veritas.
Samantala, hinimok naman ni Maya Arcega – Sales and Marketing Officer ng Caritas Margins ang bawat isa na bisitahin ang Buy and Give Bazaar ng Caritas Margins sa Vista Mall Activity Center, Taguig City na magtatapos bukas ika-14 ng Abril, 2018.
Ipinaliwanag nito na bukod sa makatitipid ang mga tao sa murang bilihin, ay marami rin ang mga mahihirap na matutulungan sa pamamagitan ng pagtangkilik sa Caritas Margins.
“Pagbumili po tayo ng mga products ng Caritas Margins hindi lang tayo magkakaron ng mga bagong gamit, hindi lang tayo nagkakaroon ng masarap na pagkain, nakakatulong po tayo dun sa ating mga workers, sa ating 1500 na mga beneficiaries ng ating mga communities and micro-enterprise. At itong mga empleyado rin dito ay mga volunteer na natutulungan din natin kasi nakakapag-provide din ng employment ang Caritas Margins, tapos nakakatulong din po tayo sa scholars.” Pahayag ni Arcega sa Radyo Veritas.
Taong 2011 nang itatag ng Caritas Manila ang Caritas Margins upang matulungan ang mga micro-entrepreneurs.
Sa kasalukuyan, bukod sa mga Bazaar ay mayroon nang 9 na permanent stores ang Caritas Margins.