378 total views
September 24, 2020-11:50am
Nagpaabot ng pagbati at panalangin ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para sa mga bagong halal na opisyal ng Catholic Educational Association in the Philippines (CEAP) lalu na sa bagong Pangulo ng organisasyon na si Sr. Ma. Marissa R. Viri, RVM.
Ayon kay Daet Bishop Rex Andrew Alarcon- member ng CBCP-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education, makasaysayan ang pagkakahalal kay Sr. Viri bilang Pangulo ng CEAP bilang kauna-unahang babae pinuno ng organisasyon na mangangasiwa sa mga katolikong paaralan sa buong bansa.
Ipinapanalangin rin ng Obispo ang masigla at puno ng pag-asa na pamumuno ng Madre sa CEAP upang magampanan ng organisasyon ang misyon nitong pang-edukasyon sa gitna ng krisis na dulot ng pandemya sa bansa.
“I would like to congratulate her for being the new President of the Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) historical in a sense because she is the first woman President and I think it is also very timely because we need also certainly the genius of a woman. Also of course I wish her all the best and my prayers so that she may continue to guide CEAP in fulfilling its educational mission in the midst of pandemic,” ayon pa kay pahayag ni Bishop Alarcon sa panayam ng Radio Veritas.
Tiwala rin ang Obispo na sa tulong at gabay ng mga bagong opisyal ng organisasyon ay patuloy pang mapaiigting ng CEAP ang pagiging daluyan nito ng ebanghelisasyon para sa mga kabataan.
“I am also hopeful that she competently lead the organization, I wish her all the best and also I pray that the task of continuing to unite all the schools and that good relationship with the DepEd, with the public schools and with the government that she may lead the organizations in its role, contribution for the building up of the church and the nation building.” Dagdag pa ni Bishop Alarcon.
Si Sr. Viri ang kasalukuyang Vice President ng CEAP bago naihalal bilang Pangulo ng organisasyon habang si Bishop Alarcon naman ang kasalukuyang Trustees-at-Large ng CEAP na magtatapos na ang termino ngayong taon.
Isinagawa ang paghahalal ng mga bagong opisyal sa online CEAP Congress kung saan inaasahang manunumpa sa katungkulan ang mga bagong halal na opisyal sa Biyernes, ika-25 ng Setyembre kasabay ng pagtatapos na pagpupulong.
Si Sr. Viri ay kabilang sa Religious of the Virgin Mary congregation at nagsisilbi rin bilang kasalukuyang Pangulo ng University of the Immaculate Conception sa Davao City.
Hahalili si Sr. Viri kay Fr. Elmer Dizon ng Archdiocese of San Fernando na nagsilbing Pangulo mula noong Setyembre taong 2019.
Naihalal naman bilang bagong Vice President ng CEAP si Fr. Thadeu Enrique Balongag, trustee mula sa CEAP Negros Island; Fr. Gilbert Sales bilang bagong Corporate Secretary habang muli namang naihalal bilang Treasurer si Fr. Albert Delvo.
Itinatag ang CEAP taong 1941 bilang isang national association ng mga Catholic educational institutions sa bansa na sa kasalukuyan ay mayroon ng 1,524 member-schools sa buong bansa.