473 total views
Humiling ng panalangin ang iba’t-ibang diyosesis sa lalawigan ng Quezon kaugnay sa pananalasa ng Bagyong Pepito.
Ayon kay Gumaca Social Action Director Fr. Rinaldi Sayson, nagdulot ng matinding pag-ulan ang bagyo na naging dahilan ng matinding pagbaha at pag-apaw ng mga ilog, kasabay ng malalaking alon.
Apektado ng matinding pagbaha ang nasa 6 na bayan na sakop ng 12 parokya, ito ang Gumaca, Lopez, Buenavista, Catanauan, Tagkawayan, Calauag, Gen. Luna, San Francisco at Guinayangan na ilan dito’y nakapagtala ng pagguho ng lupa. Batay rin sa ulat, aabot sa mahigit 2,700 ang mga inilikas na pamilya na kasalukuyang nasa mga evacuation centers, barangay hall at paaralan.
Isang dalagita ang nasawi matapos malunod sa bayan ng San Francisco sanhi ng matinding pagbaha. Maraming kabuhayan naman ang nasira dahil sa pagtaas ng tubig na nakaapekto sa mga magsasaka at mangingisda.
Ayon naman kay Lucena Social Action Director Fr. Bryan Cabrera, tuluy-tuloy ang pag-uulan sa kanilang kinasasakupan habang naitala rin ang pagbaha sa ilang lugar sanhi ng pag-apaw ng mga ilog.
Ayon sa pari, aabot sa 3-libong pamilya ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyo na tinutulungan naman ng diyosesis na matugunan ang mga pangangailangan.
Nanawagan naman ang mga diyosesis sa pamahalaan at mga simbahan na patuloy na magpaabot ng tulong para sa mga apektadong pamilya na nawalan rin ng kabuhayan.
Samantala, dalangin din ni Gumaca Bishop Victor Ocampo, ang patuloy na patnubay ng Panginoon sa mga apektado ng nagdaang bagyong Pepito.
Panalangin ni Gumaca Bishop Victor Ocampo:
“Diyos Amang mapagmahal, kami po ay nananawagan sa Inyong panutbay at pagpapala dahil sa matinding epekto nitong [Bagyong] Pepito sa ating mga mananampalataya at sa pananim, [gayundin], nakaragdag sa kahirapan dulot ng COVID.
Amang mapagmahal, kaawan at pagpalain Mo kami lalung-lalo na ang mga magbubukas ng kanilang puso sa pagtulong sa mga nangangailangan sa panahong ito ng kagipitan.
At ibibigay ko ang bendisyon, pagpalain kayo ng makapangyarihang Diyos Ama, Anak at ng Espiritu-santo.
Amen.”
Batay naman sa huling forecast ng PAGASA, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 210 kilometro sa kanlurang bahagi ng Dagupan City, Pangasinan na may lakas ng hangin na 85 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugso na aabot sa 105 kilometro kada oras na kumikilos pakanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.
Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Pepito, bukas ng umaga o hapon.