251 total views
Maaring maging daan lamang ng mas maraming problema sa pamilyang Filipino ang panukalang marriage dissolution na isinusulong ni House Speaker Pantaleon Alvarez.
Ito ang pangamba ni Archbishop Emeritus Oscar Cruz, Judicial Vicar of the National Tribunal Appeals ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).
“Ano man pong dahilan ‘yung causes na sinasabi that will legitimize divorce or anything the like. Lahat po na ‘yan ay can be intentionally accomplished. Halimbawa, ‘yung hindi magkasundo, o kung ayaw ko na sa misis ko, di hindi ko na siya kakasunduin. Kung halimbawa ‘yung violence, ay grounds for marriage annulment or divorce, di bubuntalin ko ‘yung misis ko, tapos na. You can manufacture the grounds,” paliwanag ng arsobispo sa Radio Veritas.
Ayon kay Archbishop Cruz, maaring magdulot ng mas maraming bilang ng ‘broken marriages’ at ‘broken family’ sakaling maipatupad ang batas.
“At ang tanong ko, ilang kasal kaya ang puwede na gawin ng isang tao? Tatlo ba? Lima? Labing-siyam? Na papalit-palit. At kung ganun, ilang pamilya ang sinisira? Ilang mga bata ang kanilang value system ay sinisira rin,”ayon kay Archbishop Cruz.
Iginiit ni Archbishop Cruz na dapat palakasin ang katatagan ng bawat pamilya sa halip na bumuo ng batas na magpapahina sa pagsasama ng bawat mag-asawa.
Naninindigan ang arsobispo na hindi tamang baguhin ang mga batas para lamang sa interes ng iilan at makakasira sa sakramento ng kasal.
Base sa 2014 report ng Office of the Solicitor General, patuloy na lumalaki ang kaso ng mga annulment case o higit sa sampung libo ang naitala.
Sa ulat, nasa pagitan ng edad 21-25 taong gulang na nakapagsama sa pagitan ng 1-5 taon ang nagsusumite ng pagpapawalang bisa ng kasal at 50 porsiyento sa mga nagsasampa ng kaso ay pawang mga kababaihan.
Una na ring nanawagan si Pope Francis na paigtingin ang paghahanda bago ang pagpapakasal na ang layunin ay mapatatag ang pagsasama sa pamamagitan ng pagkilala sa mga pagsubok na kakaharapin bilang mag-asawa.(Marian Navales-Pulgo)