5,500 total views
Aktibong nakiisa ang iba’t ibang diyosesis, arkidiyosesis, bikaryato at mga institusyon ng Simbahan sa Pilipinas sa paggunita ng Red Wednesday 2025.
Inatasan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang lahat ng mga parokya, paaralan, pamayanan at institusyong Katoliko sa buong arkidiyosesis na makiisa sa pagdiriwang ng Red Wednesday 2025 na inisyatibo ng Pontifical Foundation na Aid to the Church in Need (ACN.
Nagpalabas rin ng sirkular at pakikibahagi sa Red Wednesday 2025 ang Diyosesis ng Imus sa ilalim ng pagpapastol ni Imus Bishop Reynaldo Evangelista; Diyosesis ng Virac sa ilalim ng paggabay ni Virac Bishop Luciano Occiano, Archdiocese of Davao na pinangangasiwaan ni Davao Archbishop Romulo Valles.
Nakibahagi din sa gawain ang Archdiocese of Caceres sa pamumuno ni Caceres Archbishop Rex Andrew, Diyosesis ng San Carlos sa ilalim ng pagpapastol ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza; Diyosesis ng Malolos na pinangangasiwaan ni Bishop Dennis Villarojo; Diyosesis ng Antipolo sa pangunguna ni Bishop Ruperto Santos; Arkidiyosesis ng Lingayen-Dagupan sa pangangasiwa ni Archbishop Socrates Villegas; Archdiocese of Cebu sa ilalim ng pagpapastol ni Archbishop Alberto Uy; at marami pang ibang mga diyosesis at bikaryato sa buong bansa.
Bilang pakikiisa sa Red Wednesday ay ang pagdiriwang ng Votive Mass para sa mga inuusig na Kristiyano alinsunod sa itinakdang liturhiya; paglalagay ng dekorasyong pula o pagpapaliwanag ng kulay pula sa mga simbahan, paaralan, at gusaling Katoliko; gayundin ang pagsusuot ng kulay pulang damit bilang pag-alala sa dugo ni Kristo at ng mga martir na nag-alay ng buhay para sa pananampalataya.
Nagsagawa rin ang iba’t ibang diyosesis ng second collection sa mga Misa para sa mga proyekto ng Aid to the Church in Need – Philippines, na tumutulong sa mga Kristiyanong inuusig sa iba’t ibang bansa.
Una ng ibinahagi ni ACN-Philippines National Director Max Ventura na ang Red Wednesday ay isang taunang adhikain ng pontifical foundation ng Vatican upang gunitain at parangalan ang mga martyrs of the faith na nakararanas ng pag-uusig dahil sa pananampalataya sa iba’t ibang panig ng mundo, na isang pagkakataon din upang sariwain ang kabayanihan ng mga nag-alay ng kanilang buhay alang-alang sa pananampalataya.
Tema ng Red Wednesday campaign ngayong taon ang ‘Living Hope Amidst Suffering’ o ‘Buhay na Pag-asa sa Gitna ng Pagdurusa’ na layuning higit na palaganapin ang pag-asa para sa mga Kristiyanong dumaranas ng pag-uusig sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Ayon sa Pontifical Foundation na Aid to the Church in Need, sinasagisag ng kulay pula ang alab ng puso at dugo ng mga Kristiyanong dumanas at patuloy na dumaranas ng pag-uusig at pinapaslang dahil sa pananampalataya sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
Taong 2016 nang simulan ng Pontifical Foundation na Aid to the Church in Need ang Red Wednesday Campaign sa United Kingdom bilang pagpupugay sa mga naging martir at pagsuporta sa mga Kristiyanong kasalukuyang inuusig sa iba’t ibang bansa.
Taong 2017 naman nang makibahagi sa Red Wednesday Campaign ang Pilipinas habang Enero ng taong 2020 ng aprubahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang institutionalization ng Red Wednesday Campaign ng Aid to the Church in Need sa bansa o ang pormal na pagtatalaga ng Red Wednesday bilang taunang pagdiriwang ng Simbahan sa buong bansa tuwing Miyerkules pagkatapos ng Kapistahan ng Kristong Hari.




