499 total views
Kapanalig, ang pagbagsak ng piso, para sa karaniwang Pilipino, ay magkahalong biyaya at parusa.
Dahil tayo ay isang bansa nag-e-export ng labor o manggagawa, ang pagtaas ng piso ay isang magandang balita para sa mga pamilya ng overseas Filipino workers. Para sa kanila, kahit na hind tumataas ang sweldo ng kanilang ka-anak, mas lumalaki ang halaga nito kapag naipadala na ito sa Pilipinas.
Ang pagtaas din ng dolyar ay isang magandang balita para sa mga exporter ng iba’t ibang produkto. Mas lumalaki din kasi ang kita sa pagbenta ng produkto sa ibang bansa kung bumababa ang piso. Dahil dolyar ang binabayad sa kanila, mas lumalaki ang halaga ng kanilang kita kapag naitumbas na ito sa piso.
Kapag humihina din ang piso, mas napapansin ang mga lokal na produkto. Dahil nagiging mas mahal ang imported products, nagkakaroon ng pagkakataon ang produktong gawa mismo sa ating bansa na mas mabili dahil mas mura ito.
Kaya lamang mga kapanalig, kung susuriing mabuti, mas mabuti para sa balana, lalo na sa tunay na maralita, ang matatag na piso. Ayon nga sa sa Q&A on the exchange rate impact ng Bangko Sentral, malaki ang epekto ng paghina ng piso sa inflation rate. Ang pagbabago sa exchange rate ay may malaking epekto sa presyo ng maraming produkto sa ating lokal na merkado, at sa mga mahahalagang imported products gaya ng langis. Halimbawa na lamang kapanalig, ang presyo ng krudo. Dahil sa pagbaba ng piso, mas malaking halaga ang kailangan nating bayaran para sa langis. Ang pagtaas naman ng krudo ay may epekto sa presyo ng transportasyon at sa halaga ng mga pangunahing pangangailangan ng tao, gaya ng pagkain. Tataas din ang debt servicing ng bansa kapag humihina ang piso.
Sa ngayon, kapanalig, nasa P48=$1 na ang peso-dollar exchange rate ng bansa, at ayon sa mga eksperto, nanganganib pa itong bumaba, dahil sa kombinasyon ng tatlong salik: profit-taking o pagbebenta ng mga investors, kawalan ng kasiguruhan sa mga susunod na polisiya ng US Federal Reserve, at ang agam agam sa stabilidad ng bansa.
Kapag tumaas pa ang piso kapanalig, ang pinakamahirap sa ating bansa ang magdudusa, dahil tataas presyo ng mga basic commodities habang hindi naman tumataas ang kanilang kita.
May mga benepisyo man ang pagbaba ng halaga ng ating piso, hindi naman dapat biglaan ang pagbaba nito dahil maari itong maging hadlang sa mga karaniwang transaksyon sa merkado. Kailangan balanse lamang. Nagpapa-alarma rin kassi ang anumang biglaang pagbabago sa exchange rate; nagdadala ito ng pangamba o takot sa iba ibang sektor.
Kapanalig, sa puntong ito, kailangan naman tutukan din ng estado at lipunan ang ekonomiya ng bansa. Ang pagpokus dito ay may malawak na epekto na mararamdam ng mas maraming tao lalo na ng maralita. Mas positibo rin ang nagiging persepsyon ng mas marami kung ang ekonomiya ng kabuuang bansa at ng mga kabahayan ang bibinibigyan ng mas ibayong pansin.
Ang pagtingin natin sa ating ekonomiya, kapanalig, ay kailangang mula sa perspektibo ng common good, o kabutihan ng balana. Kaya nga sa puntong ito, magandang maalala natin at maging inspirasyon ang mga kataga mula sa Mater et Magistra: As for the State, its whole raison d’etre is the realization of the common good in the temporal order. It cannot, therefore, hold aloof from economic matters…It has also the duty to protect the rights of all its people, and particularly of its weaker members, the workers, women and children.