1,237 total views
Kapanalig, sa ating bansa, ang domestic violence ay isang uri ng karahasan na kadalasan nating hindi pinakiki-alamanan. Marami sa atin ang naniniwala na ito ay isang isyung pampamilya, o isyung mag-asawa lamang.
Marami ng pag-aaaral sa buong mundo na nagpapatunay na ang domestic violence ay isang worldwide phenomena- ito ay nangyayari sa maraming mga pamilya at partnerships sa buong mundo. Ang mga biktima nito ay maaring maging babae o lalake. Ngunit dahil pagdating sa karahasan at lakas karaniwan ang lalake ang may kapangyarihan, mas marami ang biktimang babae. Ayon sa sa World Health Organization (WHO), isa sa tatlong babae sa buong mundo ang nakakaranas ng karahasan. Karamihan dito ay nasasaktan ng kanilang asawa o partner. Sa buong mundo, tinatayang umabot sa 38% ng mga kasong murder ng babae ay nagawa ng kanilang mga partners.
Base naman sa 2013 National Demographic and Health Survey (NDHS) sa atin, isa sa limang babaeng may edad 15-49 years old ay nakakaranas ng physical violence. Ang mga edad na ito ay sakop ang mga reproductive years ng babae, na nangangahulugang may mga babaeng buntis na nakaranas ng physical violence. Tinatayang 4.2% ng mga babaeng buntis na may edad 15-49 ang nagging biktima ng karahasan. Ang kanilang mga asawa o boyfriends ang karaniwang nananakit sa kanila, hindi lamang sa pisikal na aspeto, kundi mental at emosyonal din.
Kapanalig, ang mas nakakalungkot dito, sa dinami-dami ng biktima ng karahasan sa kamay ng kanilang mga minamahal, kakaunti lamang ang nag-rereport o humihingi ng tulong. Base na rin sa datos ng 2013 NDHS, tatlo lamang sa sampung babae may edad 15-49 ang humingi ng tulong upang matigil ang karahasan na kanilang nararanasan. Tatlo sa sampu ang nagkwento lamang sa iba ngunit hindi humingi ng tulong, habang apat sa sampu ang nagtikom na lamang ng kanilang bibig at nagtiis. Pamilya at kaibigan ang pinupuntuhan ng mga pumiling humingi ng tulong.
Kaya nga’t kailangan ng tulong ng lipunan sa usaping domestic violence. Maraming mga biktima nito ang walang kakayahang magsalita. Ang domestic violence ay malaki ang epekto sa mentalidad ng tao; marami sa mga biktima nito ay lito, nababalot ng takot, at “helplessness.” Base nga sa datos ng 2008 NDHS, ang mga pyschological consequences ng domestic violence ay depression, galit, at takot. Dahil pamilya ang usapin, marami sa mga biktima nito ay tinatanggap na lamang ang pananakit sa ngalan ng kapayapaan ng pamilya.
Ang karahasan ay walang lugar sa anumang uri ng relasyon, lalo pa’t sa mga relasyon na dapat pag-ibig ang nagtatali. Sa panlipunang turo ng Simbahan, ang karahasan ay mariing kikondena dahil taliwas ito sa dignidad ng tao, sa right to life, at sa esensya mismo ng ating Panginoon: ang pagmamahal. Nakakalungkot na kahit pa sa mag-asawa, ang “power” kaysa pag-ibig ang nanaig sa ilang mga samahan. Tayo bilang isang kristyanong lipunan ay hindi dapat maging bulag sa isyu ng domestic violence. Gisingin sana tayo ng mga kataga ni Pope John Paul II sa Evangelium Vitae, “Imposible nating maipaglalaban ang kabutihang pang-balana kung hindi natin itataguyod ang karapatan ng tao sa buhay.”