1,936 total views
Nagsasagawa na ng Psycho-social interventions ang Department of Social Wefare and Development para sa mga batang naapektuhan ng giyera sa Marawi City.
Kaisa ang mga Non-government Organizations at Faith-based groups nanawagan si Welfare Secretary Judy Taguiwalo sa iba pang medical groups na tulungan sila sa pagsasagawa ng stress debriefing lalo na sa mga batang nakasaksi ng malagim na pangyayari sa Mawari.
Ayon kay Taguiwalo, malaki ang bilang ng mga bata, at kabataan sa bawat evacuation centers sa Iligan City, Cagayan de Oro at Cotabato City kaya naman nangangailangan pa sila ng iba pang medical volunteers.
“Malaki ang bilang ng mga bata na apektado ng mga operasyong militar ng AFP laban sa Maute group. Sila ngayon ay nasa iba’t-ibang evacuation center sa Cagayan de Oro, Iligan, at Cotabato City. Kailangan nila ang tulong para maunawaan nila ang sitwasyong kanilang dinaranas,” pahayag ni Taguiwalo.
Sa pag-aaral ng World Psychiatric Organization, pinaka naaapektuhan sa lahat tuwing mayroong digmaan ang mga kababaihan, mga bata, at mga matatanda.
Dagdag pa nito, kung hindi maaagapan ay maaaring mauwi sa mental disorder ang traumang dala ng giyera sa isipan ng mga bata.
Nitong nakaraang araw una nang nakapagbigay ng therapy sessions ang mga grupong Community and Family Services International, Franciscan Order of Friars Minor, United Church of Christ in the Philippines at Philippine Red Cross sa 523 mga bata sa iba’t ibang evacuation centers.
Samantala, nakapagbigay na rin ng stress debriefing ang Department of Health sa 487 kababaihan at kalalakihan sa iba pang evacuation areas.
Matatandaang ayon sa panlipunang katuruan ng simbahan, walang sinuman ang nagwawagi sa digmaan dahil, nagiiwan lamang ito ng labis na pangamba at kapighatian sa puso ng bawat biktima.