180 total views
Mariing binatikos ng isang opisyal ng Catholic Bishop Conference of the Philippines o CBCP sa pahayag at diumano’y “joke” ni presidential candidate Rodrigo Duterte sa isang Australian missionary na hinalay at pinatay sa loob ng bilangguan sa Davao city noong 1989.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity, anuman ang laman ng puso ay lumalabas sa bibig ng tao.
Iginiit ni Bishop Pabillo na sinasalamin ng kanyang pananalita kung anong klaseng tao si Duterte.
Nilinaw ng Obispo na ang karakter ni Duterte ay pagpapakita ng mababa nitong pagpapahalaga sa mga kababaihan at moralidad.
“What is in the heart comes out through one’s mouth. That manner of speaking is a mirror of what kind of person he is. Iyan ba ang gusto nating maging leader? Mababa ang pagpapahalaga niya sa kababaihan at sa morality.” paglilinaw ng Obispo
Hamon ng Obispo sa mga botante, nanaisin ba natin na maging pangulo ng Pilipinas ang katulad ni Duterte?
Naging viral ngayon ang rape joke ni Duterte sa pagkamatay ng Australian national na si Jacqueline Hamil na namatay noong 1989 sa naganap na riot sa loob ng Davao city jail.
Ang kinabukasan ng bansa sa susunod na anim na taon ay nakasalalay sa kamay at pagpapasya ng 54.6-milyong botante na pipili ng susunod na mga lider sa ika-9 ng Mayo, 2016.