257 total views
Ito ang naging pahayag ni dating Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) President at Arsobispo Emerito ng Lingayen Dagupan, Archbishop Oscar Cruz matapos depensahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang kapatid na si Kris Aquino sa paggamit ng presidential helicopter sa pangangampanya.
Ayon kay Archbishop Cruz, nakakadismaya na ang isang karaniwang mamamayan ay gagamitin ang sasakyang pagmamay – ari ng gobyerno o ng military sa pansariling lakad at interes.
Binigyan diin ni Archbishop Cruz na mababaw ang naging pahayag ng pangulo na karapatan ng presidential sister ang gumamit nito sapagkat isa siya sa mga top individual taxpayer sa bansa.
“Sana mali ako pero yung pangulo hindi alam kung ano ang sinasabi at nakakahiya kung minsan. Ibig kong sabihin paano ang isang karaniwang mamamayan gagamitin ang isang sasakyan na mamahalin na pagmamay – ari ng gobyerno, ng military. Sasabihin niya na pwede namang gamitin yun sapagkat malaki ang binabayad niyang buwis. Ewan ko kung saan galing ang kaisipan na yun mukhang bago. Mukhang bagong alituntunin na gustong gawin ng pangulo,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam ng Veritas Patrol.
Giit pa nito na marami rin namang mayayamang negosyante ang hindi makagamit ng presidential helicopter sapagkat pagmamay – ari ito ng gobyerno at hindi maaring gamitin ng isang ordinaryong mamayan.
Pinuna rin ng Arsobispo na ang pamumulitika ng presidential sister gamit ang naturang helicopter ng pangulo para i – endorso ang pambato ng Partido Liberal.
Samantala sa tala ng Bureau of Internal Revenue nanguna sa listahan si Queen of All Media Kris Aquino sa “Top 500 Individual Taxpayers,” sa bansa na nagbabayad ng mahigit P49 milyong piso mula sa kanyang regular income tax. Malaki ang itinaas nito sa pwesto kung ikukumpara sa ika – 17 lamang siya noong taong 2010.