7,095 total views
Nagbabala ang toxic watchdog group na BAN Toxics laban sa pagbebenta ng mga firearm replica o “pellet gun” toys na naglalaman ng mapanganib na kemikal at banta sa kalusugan ng mga bata.
Sa isinagawang market surveillance sa Baclaran at Divisoria, nakabili ang grupo ng limang uri ng pellet gun toys na nagkakahalaga ng P100 hanggang P350.
Sa pagsusuri, natuklasang naglalaman ang mga ito ng mataas na antas ng lead at cadmium, at iba pang toxic metals, na lumalabag sa umiiral na safety standards.
Ayon kay Thony Dizon, Advocacy and Campaign Officer ng BAN Toxics, karamihan sa mga laruan ay walang wastong label at walang pahintulot mula sa Food and Drug Administration (FDA), na paglabag sa Republic Act No. 10620 o ang Toy and Game Safety Labeling Act of 2013.
“Toy-like weapons, such as pellet guns and other similar toys, should be banned from manufacturing, distribution, sale, and use to prevent chemical exposure, as they pose a clear and imminent danger to children’s health. Parental supervision is advised to ensure the safety of children from physical harm caused by dangerous toys,” babala ni Dizon.
Babala ng World Health Organization, ang lead exposure ay maaaring magdulot ng pinsala sa pag-unlad at pagkatuto ng mga bata.
Nanawagan ang grupo sa FDA na maglabas ng public health advisory at sa mga lokal na pamahalaan na magpasa ng ordinansang magbabawal sa bentahan at paggamit ng mga mapanganib na laruan, kasabay ng paalala sa mga magulang na maging mapanuri sa pagpili ng laruan para sa mga bata.
“We urge the public to exercise due diligence when selecting gift toys and to refrain from buying dangerous and hazardous toys. The safety of our children should be our concern and not taken for granted,” dagdag ng BAN Toxics.
Nakasaad naman sa Katuruang Panlipunan ng Simbahan na ang kita ng isang mamumuhunan ay katanggap-tanggap lamang kung ito’y hindi nagdudulot ng panlilinlang at hindi nakasasama sa kalusugan ng tao at kalikasan.




