400 total views
Nanawagan ang Military Ordinariate of the Philippines sa mga kawani ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na manatiling mahinahon kasunod ng naganap na ‘misencounter’ sa pagitan ng mga kawani ng dalawang ahensya na nagsagawa ng buy-bust operation noong ika-24 ng Pebrero.
Ayon kay Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio, hindi dapat manaig ang pagkakanya-kanya ng dalawang ahensya sa halip ay dapat na ipaubaya ito sa isinasagawang imbestigasyon.
Ipinaliwanag ng Obispo na walang sinuman ang may gusto sa naganap na sagupaan sa pagitan ng mga kawani ng dalawang ahensya kaya’t mahalaga na mangibabaw ang mabuting pagpapasya at kahinahunan sa bawat isa.
“Ang masasabi ko lang dito is [maging] mahinahon lang muna tayo because investigation is going on and siguro ipaubaya muna natin doon sa kanila because hindi maganda na magkakaroon tayo ng kanya-kanyang panig kung saan, sino ang nag-ano [may mali o kasalanan] ito po ay hindi natin inaasahan na pangyayari pero naganap na siya so wala tayong magagawa doon, all the best we can so is to exercise the highest prudence that we can have…”pahayag ni Bishop Florencio sa panayam sa Radio Veritas.
Nagpahayag naman ang Obispo ng pakikiramay sa mga nasawi at naipit sa gitna ng engkuwentro hindi lamang mula sa panig ng PNP at PDEA kundi maging sa mga inosenteng sibilyan.
“Nakikiramay po ako at ang mga chaplain ng Military Ordinariate of the Philippines doon sa mga namatay on the part of PNP and the part of the PDEA saka yung mga sugatan nakikiramay kami doon…” Dagdag pa ni Bishop Florencio.
Ipinapanalangin naman ni Bishop Florencio ang patuloy na paggabay ng Banal na Espiritu sa lahat ng mga kawani ng puwersa ng pamahalaan upang manaig ang pakakaisa at magkakaugnay na misyon na paglingkuran at protektahan ang taumbayan mula sa anumang banta ng kapahamakan.
Pagbabahagi ng Obispo, hindi dapat na magkaroon ng kompetensya sa pagitan ng anumang ahensya ng puwersa ng pamahalaan sa halip ay dapat na magtulungan ang mga ito upang ganap na makamit ang matagal ng hinahangad na kapayapaan at kaayusan sa lipunan.
“My prayer is that we will all be guided by the spirit, Holy Spirit to have an understanding also that all of us have our own particular mission and then we have our particular people to serve na iisa lang ito. We are not competing with each other and then the whole idea is that tayo ay gusto natin na mayroong kapayapaan and then mayroon ding order, that is why we have to have that in mind and makukuha lang natin ito sa pamamagitan ng pagdadasal at sa pamamagitan ng enlightenment ng Holy Spirit…”panalangin ni Bishop Florencio.
Matapos ang naganap na ‘misencounter’ sa ginawang buy bust operation ng mga kawani ng PNP at PDEA ay tiniyak ng mga opisyal ng dalawang ahensya ang pagtutulungan upang masuri at maimbestigahan ang naganap na engkwentro.