1,172 total views
Ngayong kapistahan nina Apostol Pedro at Pablo, ang mga magigiting na Apostoles na nagsimulang mangaral sa mga tiga-Roma, pinagdiriwang din ng Simbahan ang tinaguriang “Pope’s Day” o “Araw ng Papa”. Dito ay sinasariwa natin ang ating katapatan sa Santo Papa bilang kahalili ni San Pedro Apostol, ang Katiwala ng ating Panginoong Hesus. Gayunman, marami sa mga di-Katoliko ang nagtatanong: Si Pedro ba ang unang Santo Papa? May Santo Papa ba sa Bibliya? Ating hihimay-himayin ang mga talata ng banal na kasulatan upang tuklasin ang pinagmulan ng katungkulan ng Santo Papa.
Sa lumang tipan lamang, may binanggit si Propeta Isaias na isang katiwala na pinagkaloobang pamahalaan ang Bayan ng Diyos,
“Tatawagin ko sa araw na iyon ang aking lingkod, si Eliakim na anak ni Hilkias. Siya ang pagsusuutin ko ng iyong buong kasuotan, ibibigay ko sa kanya ang iyong kapangyarihan, siya ang magiging ama ng mga taga-Jerusalem at ng mga taga-Juda.” (Isaias 22:20-21)
Sa bayan ng Jerusalem, ang mga Hari gaya ni David at Solomon ay siyang namumuno sa lupain, ngunit sa nasabing talata ang lingkod na si Eliakim ay pagkakalooban ng kapangyarihan o kapamahalaan sa bayan. Ito ay ang pagiging isang “Katiwala” (Isaias 22:15) na kung saan siya ay tinalagang kapalit ni Sebna. Sa Contemporary English Version ng Bibliya, ganito ang pagkakasalin sa salitang katiwala.
“The Lord All-Powerful is sending you with this message for Shebna, the Prime Minister” (Isaiah 22:15 CEV)
Prime Minister o Punong Ministro. Ito’y iba sa Hari, at maging sa panahon ngayon, may ilang mga estado pa rin ang sumusunod sa ganitong uri ng pamahalaan. Isa na rito ang United Kingdom, kung saan ang Reyna ay iba sa kanilang Punong Ministro, gayun din naman sa Japan, kung saan iba ang Emperador sa kanilang Punong Ministro.
Higit pa rito, mababasa natin sa susunod na mga talata ang ganito.
“Ibibigay ko sa kanya ang SUSI ng sambahayan ni David; walang makakapagsara ng anumang buksan niya, at walang makakapagbukas ng anumang sarhan niya.” (Isaias 22:22)
Kung sa lumang tipan ay may mga Hari, sino nga ba ang tinuturing na Hari sa sambayanang Cristiano?
“Siya (Si Cristo) ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataastaasan: at sa kaniya’y ibibigay ng Panginoong Dios ang LUKLUKAN ni David na kaniyang ama” (Lucas 1:32)
Sa panahon ng mga Cristiano, ang ating tinuturing na Hari ay si Hesus. At gaya ng mga Hari sa lumang tipan, may tinalaga rin ang ating Panginoon na maging katiwala niya sa kaniyang bayan, isang tao na pinagkalooban din niya ng mga “susi” ng kaniyang kaharian.
“At sinasabi ko naman sa iyo na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya. IBIBIGAY KO SA IYO ang mga SUSI ng Kaharian ng Langit, anomang iyong talian sa lupa, ay tatalian sa langit, at ano mang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit” (Mateo 16:18-19)
Malinaw po sa nasabing mga talata, na ang pinagkalooban ng mga susi ay si San Pedro Apostol at kung ating papansinin ay may magkakapareho ang nasa Isaias at sa Mateo. Ang mga susi ng isang Katiwala na “makapag bubukas at walang magsasara, makapag sasara at walang makapag bubukas” (Isais 22:22) na kahalintulad din ni Pedro na “anumang talian sa lupa, ay tatalian sa langit, anumang kalagan sa lupa, ay kakalagan sa langit” (Mateo 16:19). Ayon sa mga dalubhasa, ang susi ay isang simbolo ng kapamahalaan ng isang katiwala.
Ano ang katibayan na si Pedro nga ay itinalaga upang pamahalaan ng Iglesia o Simbahan?
“Datapuwa’t ikaw ay ipinamanhik ko, na huwag magkulang ang iyong pananampalataya; at ikaw, kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid” (Lucas 22:32)
Sino po ang magpapatibay sa kapatirang Cristiano? Ito po’y si Pedro, matatandaan din natin na tatlong ulit din binilinan ni Hesus si Pedro na “pakainin ang kaniyang mga tupa” (Juan 21:15-17). Sinu-sino ba ang mga tupa ng Panginoon?
“Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong KAWAN na sa kanila’y ginawa kayo ng Espiritu Santo na mga Obispo, upang PAKAININ ninyo ang Iglesia (Simbahan) ng Panginoon na binili niya ng kaniyang sariling dugo” (Gawa 20:28)
Samakatuwid, ipinagkatiwala ni Cristo ang kaniyang Simbahan kay Pedro. Marahil matatanong ng ilan, ano naman ang kinalaman ni Pedro sa mga Santo Papa? Si Pedro ba ang unang Santo Papa? Ang Papa ng Iglesia Katolika ay ang Obispo ng Simbahan sa Roma, bakit? Dahil si Pedro ay ang unang Obispo na nanatili sa Roma hanggang kaniyang kamatayan,
“Binabati kayo ng nasa Babilonia na kasamang hinirang” (1 Pedro 5:13)
Ayon sa mga dalubhasa ng Bibliya, ang Babilonia na kinapaparoonan ni Pedro ay ang Roma. Nang ipapatay si Pedro, hindi nawala ang ministeriyo ng pagiging-obispo ng Roma. Ipinangako ng Diyos na may hahalili sa kaniyang mga katiwala kung ito man ay mawala na.
“Sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoon, si David ay HINDI kukulangin kailan man ng lalake na mauupo sa luklukan ng bahay ng Israel” (Jeremias 33:17)
At maging sa ibang mga Apostol, nang sila ay mawala na sa mundo ay may kaagad silang mga kahalili.
“Bayaang kunin ng iba ang kaniyang katungkulan… upang tanggapin ang katungkulan sa MINISTERIONG ito at pagka-apostol na kinahulugan ni Hudas, upang siyang makaparoon sa kaniyang sariling kalagayan” (Gawa 1:20-25)
Bilang panghuling tanong, bakit “Papa” ang tawag sa Obispo ng Roma. Balikan po natin ang Isaias 22, ano ba ang ituturing sa katiwala ng sambayanan ng Jerusalem at Juda?
“Siya ang magiging AMA ng mga taga-Jerusalem at ng mga taga-Juda.” (Isaias 22:20-21)
Kung kaya’t mga Kapanalig, sa araw na ito, ating sariwain ang ating katapatan sa Kahalili ni Pedro na si Papa Francisco. Ang katiwala ng ating Panginoong Hesus na siyang magpapatibay at magpapastol sa Simbahan sa lupa.
—-
Kung kayo’y may iba pang tanong, maari lamang magpadala ng mensahe sa [email protected]