6,737 total views
Hinamon ng isang Obispo ng Simbahang Katolika ang Department of Health at Food and Drug Administration na subukan at pag-aralan ang Fabunan anti-viral injection na sinasabing nakakagamot sa COVID-19.
Ikinalulungkot ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani na sa halip na subukan ng D-O-H at F-D-A ang anti-viral injection na gawa ni Dr.Ruben Garcia Fabunan, M.D. dahil sa nararanasang krisis dulot ng COVID-19 ay ipinatigil ang pagtuturok nito. Iginiit ni Bishop Bacani na isang krimen ang hindi pagtugon o pag-asikaso ng D-O-H at F-D-A sa Fabunan anti-viral injection dahil lamang sa matinding bureaucracy sa bansa.
“Si Dr. Fabunan nagpi-presenta na ng tulong sa ating bansa, at sa buong mundo na gamut sa COVID-19. Sana ang DOH, ang unang gawin ay subukan ang gamut na yan, testingin lalu na ngayong emergency na, naghahanap na ng talagang gamut na makalulunas. Sana naman ay gawin ang lahat ng magagawa at sikapin na testingin agad ang gamut pagkat kung totoong makakagamot yan tulad ng sinasabi ni Dr. Fabunan, krimen na ang hindi pa asikasuhin ng mga nakakataas sa ating bansa. Ano ba naman sasabihin nila tetestingin ang gamut na galing sa Japan hahanap pa sila ng gamut sa ibang bansa gayong mismong sa ilalim ng ilong nila nandiyan na pini-presenta. Ano ba dahil ba ito ay Filipino ang naka-imbento, nakatuklas nito hindi mo na asikasuhin, hindi mo na bibigyan ng espesyal na atensyon?”
Nilinaw ni Bishop Bacani na ang COVID-19 ay merong protective crown o shield na kayang sirain ng Fabunan anti-viral injection na naging epektibo din laban sa dengue. “Si Dr. Fabunan, patutunayan niya sa inyo kung paano naging epektibo ang gamut na yan. Wala ng namamatay sa dengue sa Zambales noon pa. Simple lang naman, ang coronovirus ay merong protective crown o shield kapag nasira mo ay patay na ang virus. Ang kanyang gamut, kini-claim ni Dr. Fabunan na sinisira nito ang crown na yun, sumakatuwid patay na agad ang virus.”patotoo ni Bishop Bacani.
Hinamon ng Obispo ang pamahalaan at mga ahensiyang pangkalusugan na isantabi muna ang burukrasya at alamin kung totoong nakakagamot sa COVID-19 ang Fabunan anti-viral injection dahil buhay ang nakataya sa pandemya. “Simple lang, hindi na kailangan ang burueacracy diyan, ang importante ay pahalagahan ang buhay, gawin agad ang makakapagligtas ng buhay.
Huwag na magpatumpik-tumpik pa sapagkat mga buhay po ang nakataya dito. Kaya panawagan ko sa DOH, inilapit ko na ito kay Usec. Punzalan ng DOH.
Ito po harapan na, napagaling ng gamut ni doctor Fabunan ang isang Gerry. Sinabi ko kay Usec. Punzalan kung gusto ninyo makakasiguro na hindi yan makakasakit sa sinumang tao ay isaksak niyo muna sa akin at kung hindi ako maano ay hindi naman siguro makasasama sa pasyente.” Paliwanag ng Obispo
Inamin naman ni Bishop Bacani na maging siya ay nakinabang at natulungan ng injection ni Dr. Fabunan na itinuturing niyang kaibigan. “Nakausap ko na rin ang gumaling sa COVID-19, ako rin po nakikinabang diyan, natutulungan ako ng kanyang injection, meron din akong kaibigan na malaki ang iginaling kaya po malaki ang pagtitiwala ko diyan sa injection ni Dr. Fabunan” pahayag ng Obispo sa Radio Veritas
Dismayado din ang Obispo sa pagbalewala ng pamahalaan sa anti-viral injection ni Dr. Fabunan laban sa COVID-19 Naunang binalaan ng F-D-A ang mamamayan sa paggamit ng hindi lisensiyadong Fabunan Antiviral injection sa nakakamatay Coronavirus disease.