26,294 total views
Muling nanawagan ang EcoWaste Coalition at ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) para sa firecracker- at fireworks-free na pagdiriwang ng Bagong Taon, upang mapangalagaan ang mga hayop, kalusugan ng publiko, at kalikasan.
Isinagawa ang “Iwas PapuToxic” event nitong December 28 sa isang mall sa Quezon City, tampok ang pet parade na humihikayat sa publiko na iwasan ang maingay at nakalalasong paputok.
Ayon kay PAWS Executive Director Atty. Anna Cabrera, labis na naaapektuhan ng malalakas na pagsabog ang mga hayop, lalo na ang mga aso sa kalsada at alagang nakatali o nasa labas ng bahay.
Sinabi ni Cabrera na mas sensitibo ang pandinig ng mga hayop kaya nagdudulot ang paputok ng matinding takot at stress na maaaring tumagal ng ilang oras.
“In our country, many dogs remain caged or chained outdoors, yet PAWS advocates for them to live inside as true family members. For those who haven’t yet embraced this, we plead: please bring your dogs inside for New Year’s Eve. Outdoor pets are the most vulnerable during the celebrations; they are defenseless against the deafening explosions and toxic fumes. Be compassionate — bring them indoors,” ayon kay Cabrera.
Bukod sa kapakanan ng hayop, iginiit ng mga grupo ang masamang epekto ng paputok sa kalusugan at kapaligiran, dahil sa pagbuga ng toxic smoke, pinong particulate matter, at climate-warming gases na maaaring magpalala ng sakit sa baga, lalo na sa mga bata, matatanda, at may karamdaman.
Ayon naman kay Aileen Lucero, National Coordinator ng EcoWaste Coalition, mas mainam na salubungin ang Bagong Taon sa paraang people-, pet-, at planet-friendly, sa pamamagitan ng mga alternatibong pamamaraan tulad ng tansan tambourines, maracas de lata, kaldero, kawali, at recycled shakers.
Iginiit ng EcoWaste Coalition at PAWS na ang pag-iwas sa paputok ay nakatutulong upang maiwasan ang pinsala, mabawasan ang basura at polusyon, at mailigtas ang mga hayop mula sa takot at trauma—habang nananatiling masaya at makabuluhan ang pagsalubong sa Bagong Taon.
“Instead of dangerous pyrotechnics that can damage human health, inflict trauma and stress on defenseless dogs and cats, and contaminate the environment with toxic smoke and trash, the EcoWaste Coalition advocates for ‘Iwas PapuToxic’ alternatives… that protect humans, our animal companions, and the environment from harm,” saad ni Lucero.
Una nang binigyang-diin ni Cebu Archbishop Alberto Uy na walang ingay o pansamantalang kasiyahan ang mas mahalaga kaysa sa kaligtasan ng tao at ng mga hayop.




