688 total views
Mga Kapanalig, kung legacy o pamana ang tingin ni dating Pangulong Duterte at ng kanyang mga kakampi sa pulitika at masugid na tagasuporta sa madugo nitong war on drugs, isa itong madilim na yugto sa ating bansa para sa mga naniniwala sa karapatang pantao at sa patas na pagpapatupad ng batas. Isa itong yugtong lagi—at dapat—na magpaalala sa atin kung ano ang bunga ng pamamahalang baluktot ang pag-unawa sa katarungan at bulág sa katotohanang ang sinumang tao—kahit ang mga nagkakasala sa batas—ay may angking dangal.
Muli, hindi natin kinukunsinti ang mga krimeng ginagawa ng mga kapatid nating nalululong sa ipinagbabawal na gamot. Ngunit ang pagkaitan sila ng pagkakataong ipagtanggol ang kanilang mga sarili sa harap ng batas at—ang mas masahol pa—ang patayin sila nang walang kalaban-laban ay mga maling paraan upang solusyunan ang sinasabing problema sa droga. Sa opisyal na tala ng gobyerno, hindi bababa sa anim na libo ang namatay sa mga lehitimong operasyon ng mga pulis. Malayo ito sa tala ng mga human rights groups na nagsabi ring sangkot ang mga pulis sa ilang vigilante killings at sinadya nilang hindi aksyunan ang mga patayang ito.
Sa tindi ng naging bunga ng giyera kontra droga at sa pagtatanggol sa mga pagpatay sa ngalan umano ng kapayapaan at kaligtasan ng mga kabataan, itinaas ng ilang grupo sa International Criminal Court (o ICC) ang anila’y crime against humanity ng nakaraang administrasyon. Magkakaroon sana ng imbestigasyon ang ICC ngunit sinuspindi ito matapos mangako ang gobyernong maglulunsad ito ng sarili nitong imbestigasyon sa mga pagpatay.
Ngunit bago natapos ang Enero, sinabi ng ICC na muli nitong bubuksan ang imbestigasyon. Hindi ito kumbinsidong sapat ang ginawang imbestigasyon ng ating mga awtoridad. Magsisilbi ang ICC bilang instrumento ng pagpapanagot sa mga matataas na opisyal ng gobyerno, bagamat hindi pa nila pinapangalanan kung sinu-sino ang padadalhan nila ng summons o warrant. Para sa mga naghain ng petisyon sa ICC, patunay itong hindi pa tapos ang paghahanap ng hustisya para sa mga biktima ng marahas na war on drugs.
Sa kanyang talumpati noong isang taon sa UN General Assembly, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr na ang paggalang sa karapatang pantao ay isa sa mga
paraan ng Pilipinas upang ipakita ang pakikiisa nito sa mga hangarin ng United Nations. Ngunit kaakibat dapat nito ang pagtupad sa mga responsabilidad ng mga naatasang itaguyod ang karapatang pantao. Katulad nga ng ipinahihiwatig sa Catholic social teaching na Octogesima Adveniens, kaakibat ng tunay na pakikiisa, o solidarity, ang kahandaang managot para sa kabutihang panlahat o common good, at kabilang dito ang paggagawad ng katarungan sa mga biktima ng pang-aabuso ng mga nasa kapangyarihan. Kung tunay na nakikiisa ang Pilipinas sa UN na makamit ng lahat ng tao ang kanilang mga karapatan, handa ba ang administrasyong papanagutin ang mga umabuso sa karapatang pantao habang ipinatutupad ang war on drugs?
Magiging mabunga ang imbestigasyong gagawin ng ICC kung makikipagtulungan ang kasalukuyang gobyerno. Paano kaya ito mangyayari kung si PBBM ay kilalang kaalyado ni dating Pangulong Duterte at may malaking utang na loob sa mga maiimpluwensyang personalidad na dikit sa dating presidenteng pasimuno ng war on drugs? Paano makikipagtulungan ang isang gobyernong kinabibilangan pa rin ng mga naging instrumento ng madugong giyera kontra droga?
Mga Kapanalig, sa balitang ito tungkol sa imbestigasyong gagawin ng ICC, abangan natin kung aalagaan ng ating mga lider ang kanilang kawan, katulad ng ipinapaalala sa Mga Kawikaan 27:23, o kung titiklop sila sa mga pinagkakautangan nila ng loob at hahayaang nilang maging mailap ang katarungan sa mga biktima ng giyera kontra droga.
Sumainyo ang katotohanan.