24,596 total views
21st Sunday Ordinary Time Cycle C
Is 66, 18 21 Heb 12, 5 7. 11 12
Tayong lahat ay nagsisikap na maging maayos ang buhay. Gusto natin na maayos ang kalagayan ng ating pamilya. Gusto natin na maging mabunga ang ating hanap buhay. Gusto natin na makapagtapos sa pag aaral ang ating mga anak. Gusto nating manatiling malusog. Ibig natin ang mga ito at pinagsisikapan natin. Pero alam natin na hindi lang ito ang buhay. May kabilang buhay pa na nag-aantay sa atin. Kaya ang kaligtasan at ang kaayusan ng buhay ay hindi lang para sa lupang ibabaw. May kaligtasan din sa kabilang buhay at ito ay mas mahalaga, kasi magpasawalang hanggan ang kabilang buhay. Kaya kung nababahala tayo sa buhay dito sa lupa, mas mabahala din tayo sa kabilang buhay. Kaya mahalaga ang tanong kay Jesus, marami ba ang maliligtas? Marami ba ang magkakaroon ng buhay na walang hanggan, ang mapapasama sa kaharian ng langit?
Hindi ito diretsong sinagot ni Jesus – kung marami ba o kakaunti. Para kay Jesus ang mas mahalaga na pagkakaabalahan natin ay maging kasama ba tayo sa maliligtas, maging kasama ba tayo na magkakaroon ng buhay na walang hanggan? Ano kung alam natin na marami ang maliligtas at hindi naman tayo nabibilang doon? Kaya sa halip na malaman kung marami o kakaunti, mas pagsikapan natin na makakasama tayo sa maliligtas, at iyan ay nangangahulugan na magsikap na pumasok sa makipot na pintuan, kasi ang daan papunta sa kapahamakan ay malawak, ngunit makitid ang daan papunta sa kaayusan. Hindi ba madali na magpabaya, na maging easy-easy lang ang buhay natin? Madali ang sumama lang sa barkada at sa bisyo. Mas mahirap na magsikap na magtrabaho. Madaling isipin lang ang sariling kagustuhan kaysa magbalik handog. Sabi ni Jesus na kung gusto natin na maging alagad niya kailangan natin na tanggihan ang sariling hilig natin, buhatin ang ating krus araw-araw ang sumunod sa kanya. Kailangan natin na mamatay sa ating sarili upang magkaroon na panibagong buhay.
Pero huwag tayong matakot. Kung gusto natin na magkaroon ng maayos na buhay sa mundong ito, mas lalong gusto iyan ng Diyos. Kung gusto nating magkaroon ng buhay na walang hanggan, mas lalong gusto iyan ng Diyos. Itinaya na niya ang kanyang anak upang tayo ay maligtas. Hindi naman hahayaan ng ating Ama sa langit na maging bigo ang kanyang project kaligtasan. Kaya ginagabayan niya tayo para sa kaligtasan, Ginagabayan niya tayo tulad ng paggagabay ng magulang sa kanyang anak.
Ang mga magulang na nandito ay nababahala para sa kanilang mga anak. Malaki ang kalungkutan nila kapag nawawala o nagwawala ang mga anak nila. Tulad ng gusto ng mga magulang sa sila ay makapunta sa langit gusto rin nila na ang mga anak nila na makasama nila sa langit. Napakalungkot na tayo ay nasa langit at ang mga mahal natin sa buhay ay wala doon.
Dahil sa gusto ng mga magulang na maging maayos ang kanilang mga anak, sila ay dinidisiplina nila. Tini-train nila sila na maging masipag, na maging magalang, na maging matipid, na umiwas sa bisyo. Kaya pinagbabawalan silang sumama sa masamang barkada. Dinidisiplina sila na magdasal at magsimba. Mapalad ang mga bata na sumusunod sa kanilang mga magulang. Hindi madali na maging masunurin, pero bandang huli, hindi nila pagsisisihan na nagpadisiplina sila. Walang nagsisisi sa kanilang katandaan na naging masunurin sila. Pero malaki ang pagsisisi pagdating ng panahon na hindi sila sumunod.
Dinidisiplina sila ng kanilang mga magulang kasi anak nila sila. May isang bata na naglalaro kasama ng ibang mga bata at kasama nila, napapamura din siya. Dumating ang kanyang magulang at itinabi siya. Siya at pinagsabihan na huwag ng magmura. Nangatwiran ang bata. “Nanay, bakit ako lang ang pinagagalitan mo? Ang mga kasama ko ay nagmumura din.” “Pinagagalitan kita kasi anak kita.” Ang pagdidisiplina ng magulang ay tanda ng kanyang pagmamahal sa kanyang anak. Concerned siya sa kanyang anak.
Ganoon din ang ating Ama sa langit. Dinidisiplina niya tayo, kasi mahal niya tayo. Mayroon tayong mga alituntunin na para sa atin kasi anak tayo ng Diyos. Hindi tayo magsisisi kung sumusunod tayo sa kanya. Hindi pabaya ang Diyos sa atin. Siya ay mapagmahal na Ama. Gusto niya na maging maayos ang buhay natin, dito at sa kabilang buhay. Kaya dinidisiplina niya tayo. May mga pagsubok na dinadaanan natin. Pinapalakas tayo ng mga pagsubok na ito. Manalig tayo sa Diyos at sumunod lang tayo sa kanya.
At kung hindi tayo sumunod, hindi tayo makakasama sa kanyang kaharian. Baka tayo masarhan ng pintuan ng langit. Hindi natin maidadahilan, katoliko naman ako! Kasama nga ako sa Apostolado ng Panalangin, o lay minister ako, o pari ako! Hindi tayo maliligtas ng mga grupo na kinabibilangan natin o ng mga uniforme na suot natin o ng estandarte na dala natin. Maliligtas lamang tayo kung sumusunod tayo sa mga alituntunin ng Diyos, kung nakikiisa tayo sa mga programa ng simbahan kasi ang simbahan ay ang katawan ni Kristo. Pero kung hindi tayo nakikiisa sa simbahan, hindi tayo nakikiisa kay Kristo. Maaaring masarhan tayo ng pintuan sa kabilang buhay.
Ang kaayusan ng buhay ay para sa lahat dito sa lupa at doon sa langit – para sa lahat na sumusunod sa kagustuhan ng Diyos, kasi maliwanag na sinabi ni Jesus na kung mahal natin siya, gawin natin ang utos niya. Ngayon pa lang ay gawin na natin ang kalooban ng Diyos. Huwag natin ipasabukas ito! Bigla ang pagdating niya at mananagot tayong lahat sa kanya.