6,443 total views
Hinimok ni House Speaker Faustino Dy III ang mga empleyado at mambabatas ng Mababang Kapulungan na magtulungan upang maibalik ang tiwala ng taumbayan sa Kongreso.
Ito ay kaugnay na rin ng mga hamon na kinakaharap ng institusyon dulot ng mga nabulgar na katiwalian at pagkakasangkot ng mga opisyal ng pamahalaan sa mga infrastructure project ng Department of Public Works and Highways.
Nagpapasalamat din si Dy sa mga kawani, security personnel, at maintenance workers ng Kamara sa kanilang patuloy na paglilingkod, lalo na sa panahon ng mahahabang budget deliberations na umaabot hanggang madaling araw.
Ayon kay Dy, hindi madali ang kasalukuyang sitwasyon ng Kongreso at ramdam ang pagbaba ng tiwala ng publiko na dapat magsilbing paalala na pagbutihin pa ang trabaho at patunayan sa mamamayan na karapat-dapat silang pagkatiwalaan.
“Masakit mang tanggapin, talagang bumaba ang tiwala ng taumbayan sa ating institusyon. Pero ito rin ay paalala na mas kailangan nating pagbutihin ang ating trabaho at ibalik ang tiwalang iyon sa pamamagitan ng tapat na paglilingkod,” ayon kay Dy.
Binigyang-diin niya na walang batas na maisasagawa kung wala ang sipag at dedikasyon ng mga manggagawa sa Kamara.
Pinaalalahanan din ng Speaker ang mga kawani na mahalaga ang bawat gampanin—mula sa mga mambabatas hanggang sa mga rank-and-file employee—sa pagpapatatag ng isang tapat at makabayang institusyon.
“At sa huli, mga kasama, tandaan natin: Ang lahat ng unos ay may katapusan. Ang lahat ng dilim ay may liwanag na darating,” ayon pa sa mensahe ni Dy sa isinagawang flag raising ceremony sa Mababang Kapulungan.
Bilang pagtatapos, binigyang-diin ni Dy na ang watawat ng Pilipinas ay sagisag ng panata ng bawat lingkod-bayan na dapat maging inspirasyon ang bawat hamon upang mas paigtingin ang marangal at tapat na paglilingkod sa mga Pilipino.