2,069 total views
Hinimok ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga alagad ng sining at media na manatiling matatag at tapat sa katotohanan sa gitna ng harassment, disinformation, at tumitinding pagkakahati-hati ng bansa.
Sa 47th Catholic Mass Media Awards (CMMA) na may temang “Share with gentleness the hope that is in your hearts,” binigyang-diin ng kardinal na tungkulin ng mga tagapaghatid ng balita na maging tagapagtanggol ng integridad at katarungan.
“We will not stop until the truth comes out. We will never be tired of pursuing justice and restitution,” mariing pahayag ni Cardinal Advincula.
Ayon sa arsobispo, ang tema ng CMMA ay hindi lamang panawagan sa kabutihan, kundi hamon sa moralidad sa panahong puno ng tensyon at maling impormasyon.
“Hope today means vigilance and integrity, coherence and credibility, not recklessness and political expediency,” aniya.
Binigyang-diin ng kardinal ang pahayag ni San Pedro bilang paalala sa tungkulin ng media na ihayag ang katotohanan kahit may kapalit na panganib.
“Our media landscape today is marked by harassment, trolling, disinformation, and threats, but always remember, it is better to suffer for doing good than for doing evil,” paalala ng kardinal.
Ipinahayag din ni Cardinal Advincula ang pagkadismaya sa lalim ng hidwaang pampulitika na nagbubura sa diwa ng pagkakapwa-tao.
“We seem to have forgotten that our core value as a people is kapwa and pakikipagkapwa,” aniya.
Ipinaalala ng Cardinal na dapat manatiling matatag ang konsensya ng bawat Pilipino sa harap ng deception at ingay sa lipunan.
“Let us not be distracted by noise and deception. We will not trade integrity for favor or self-interest.”
Hamon ng kardinal sa mga nanalo at nominado sa CMMA, na aniya’y may tungkuling gamitin ang kanilang impluwensya upang itaguyod ang katotohanan at ilantad ang anumang katiwalian.
“We would be remiss in our mission if we were not ready to hold people accountable for their lies and trickery,” giit ni Cardinal Advincula.
Pinangunahan ni Cardinal Advincula, bilang honorary chairman ng CMMA, ang paggawad ng parangal sa mga personalidad, organisasyon, at programang naglilingkod bilang daluyan ng pag-asa at katotohanan sa Kristiyanong pamayanan.
Ginanap ang awards night sa City State Tower Hotel sa Maynila noong November 19, na dinaluhan ng mga opisyal ng CMMA Board, kabilang si Balanga Bishop Rufino Sescon Jr., at mga kinatawan mula sa iba’t ibang sangay ng sining at media




