345 total views
Nag-alay ng panalangin si Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Palawan Bishop Pedro Arigo para sa ikatatagumpay ng nalalapit na national and local elections, anim araw na lamang ang nalalabi.
Ayon sa Obispo, nawa ay tulungan ng Panginoon ang bawat botante upang maihalal ang kandidatong makaDiyos, makatao, makabayan at makakalikasan.
Kaugnay nito, hiniling ni Bishop Arigo na dapat maalala ng bawat botante na ang pagboto ay hindi lamang pribilehiyo, kundi ito ay may kaakibat na responsibilidad para sa hinaharap ng bansa.
“Liwanagan n’yo po ang aming mga botante na marunong kumilatis at pumili ng mamumuno sa aming bayan na hindi sila pumili ng mga kurap, mga trapo na ang hangarin ay hindi ang kapakanan kundi ang kaban ng bayan. Turuan mo silang pumili ng mga kandidatong makaDiyos, makatao, makabayan at makakalikasan, at nawa’y wag silang magpadala sa tukso ng pera na magbenta sila ng boto.” Bahagi ng panalangin ni Bishop Arigo.
Ipinanalangin din ni bp Arigo, ang mga opisyal ng Commission on Elections, mga pulis at mga guro upang maging tapat ito sa kanilang tungkulin sa bayan at maihayag ang malinis at makatotohanang resulta ng halalan. Bukod dito, hiniling din ng Obispo na gabayan ng Panginoon ang bawat kandidato na ilayo ito sa tukso ng paggamit ng dahas, o anu mang uri ng pandaraya na magreresulta sa huwad na tagumpay.
“Gabayan mo rin ang mga kandidato na hindi sila gumamit ng dahas, pandaraya o anu pang mga iligal na pamamaraan para makamit lang ang isang pekeng tagumpay.” Dagdag pa ng Obispo.
Kaugnay nga nito, sa pinakahuling datos ng Commission on Elections (Comelec), umabot sa higit 54.6 na milyon ang rehistradong botante na nakapagpatala para sa darating na eleksyon bukod pa sa 1.4 milyong Overseas absentee voters.
Naninindigan naman ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na ang pagboto ay isang mahalagang sangkap ng demokrasya at unang hakbang para sa pagbabago ng lipunan.