287 total views
Kailangang malaman ng bawat isa ang kahalagahan ng tunay na kahulugan ng Servant Leadership partikular na ngayong nalalapit na halalan.
Pagbabahagi ni Sr. Zeny Cabrera, Program Coordinator ng Restorative Justice Prison Ministry ng Caritas Manila, mahalagang ibahagi at linangin sa kaisipan ng bawat mamamayan partikular na ng mga botante ang mga katangian ng isang mabuting lingkod-bayan na dapat kilatisin sa mga kandidato ngayong eleksyon.
Dahil dito, ibinahagi ng madre ang Lessons on Servant Leadership na isinasagawa ng Restorative Justice Prison Ministry partikular na para sa mga detainees na nananatiling mayroong karapatang makiisa sa nalalapit na halalan pambansa.
“Nagbibigay kami ngayon ng lessons on Servant Leadership, yung ‘Who is a Servant Leader’, timely sa New Bilibid na aming pinupuntahan there are those na pwede pang bumoto kasi they are still on appeal, hinahanda namin sila pero kahit hindi sila boboto o boboto yung ano ba yung kahulugan ng Servant Leadership, ‘Who is a Servant Leader’ dapat malaman ito ng lahat…” Ang bahagi ng pahayag ni Sr. Cabrera sa panayam ng Radio Veritas.
Paliwanag pa ni Sr. Cabrera, mahalagang linisin at hubugin ang kalooban ng bawat tao mapa-bilanggo man o ordinaryong mamamayan upang magkaroon ng paninindigan sa pagsusulong ng mga tama at karapat-dapat sa lipunan.
Kaugnay nga nito, patuloy rin ang kampanya ng Simbahang Katolika ng Huwag Kang Magnakaw Campaign batay sa Ika-Pitong Utos ng Panginoon, kung saan maituturing na pagnanakaw sa dangal at kalayaan ng bayan ang pagbebenta ng boto sa mga makasariing kandidato.
Samantala, sa tala ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) tinatayang umabot sa 42,252 ang bilang ng mga bilanggo na maaari pa ring bumoto.