2,053 total views
Tulungan ang mamamayan na makaahon sa kahirapan hindi sa pamamagitan ng “dole-out”.
Ito ang hamon ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa naitalang pagbaba ng inflation rate noong Abril na umabot sa 6.6% kumpara sa 7.6% noong Marso.
Ayon sa Obispo, bagamat mabuti ang pagbaba ng mga presyo ng bilihin at serbisyo ay hindi naman ito kagyat na nararamdaman ng mga mahihirap.
“Kaya alam niyo na ang pagpapaganda ng buhay ng tao ay hindi yan madaliang gawain, yan ay talagang dapat ay consistency, may mga polisiya na nakalagay kung paano makakatulong sa mga tao.” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabilo.
Inihayag ni Bishop Pabillo na nararaoat lumikha at ipatupad ng pamahalaan ang mga umiiraal na batas na layuning mapataas ang kalidad ng pamumuhay ng mamamayan na hindi naaapektuhan ng anumang paggalaw ng presyo ng bilihin.
Umaapela naman si Bishop Pabillo sa mamamayan na suportahan ang mga programa ng simbahan na layuning itaas ang kalidad ng pamumuhay ng mga mahihirap.
Ito ay ang mga inisyatibong katulad ng Pondo ng Pinoy kung saan ang nalilikom na pondo ay nilalaan sa pagpapakain at pagtulong sa mga mahihirap at naninirahan sa lansangan.
“Tulad ng pagiging katiwala, mabuting katiwala we need to have more sharing of resources para gumanda ang kalagayan ng mga tao kaya’t sana’y mapaigting natin yung mga programa na nakakatulong sa kapwa, tulad ng Pondo ng Pinoy maliit lang naman yan pero kung masanay tayo talagang magbahagi malaki ang maitutulong niyan.” bahagi pa ng panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.
Taon taon din ay umaabot sa milyon-milyong Pilipino ang natutulungan ng mga programa ng pamahalaan na katulad ng pamamahagi ng financial aid, pagpapatupad ng mga Sustainable Livelihood Programs at Tulong para sa mga Displaced/Distressed Workers o Tupad Program na gawain ng Department of Social Welfare and Development.
Habang noong 2022, simula ng pag-iral ng mga lockdowns noong Marso 2020 bunsod ng COVID-19 hanggang Disyembre 2021 ay umabot sa 2-bilyong piso ang nailaang pondo ng Caritas Manila sa mga naapektuhan ng pandemya.