1,048 total views
Parang bangungot para sa maraming jeepney drivers ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan. Nagsimula pa ito sa rehimeng Duterte at tinutuloy ng kasalukuyang administrasyon. Sa progama kasing ito, kailangang kagatin ng mga jeepney drivers ang modernization plan ng pamahalaan habang pine-phase out ang mga lumang jeepney sa ating mga lansangan.
Sa papel, kapanalig, napakagandang plano ito. Sino ba naman ang tatanggi sa makabago ligtas, at mas environment-friendly na mode of transportation? Mas maganda pa nga ang plano ngayon dahil sa halip na tanggalin na sa bansa ang ating makukulay na jeep, upgrade ang gagawin dito. Ang jeep, bilang isang cultural icon ng bansa, ay mananatiling nasa kalsada, pero modernized na. Para sa kabutihan naman ito ng lahat, diba?
Kaya lamang, ang plan na ito ay tila nakaligtaan ang isang napakahalagang salik – ang mga jeepney drivers sa ating bansa. Nais man nilang i-upgrade ang kanilang mga jeep, hindi talaga kaya kahit pilitin pa nila. Maliit lamang ang kita ng mga drivers natin kahit madaling araw pa sila magsimula mag biyahe at abutin sila ng gabi sa kalye. Alam din naman natin na sunod sunod ang pagtaas ng krudo nitong nakaraang mga buwan, habang ngayon pa nga lamang bumabawi mula sa lockdown noong pandemya. Maraming mga driver, kumikita lamang ng mula 300 hanggang 800, depende sa ruta, at matapos magbayad ng boundary at gumastos sa krudo. Maswerte na kung kumita sila ng isang libo o higit pa. Jackpot na ang pakiramdam nun.
Ang kita nila kada buwan ay bitin, kapanalig, lalo ngayong panahon ng mataas na inflation. May mga anak pang pinapa-aral siyempre, kasama pa ang ibang bayarin gaya ng upa, tubig, at kuryente. Marami sa kanila, baon na sa utang, kaya kung pipilitin man natin sila umutang pa para lamang makapag-downpayment sa bagong jeep at magbayad pa ng buwan buwan, gutom na na ang dinala natin sa buhay nila at ng kanilang pamilya.
Back to the drawing board muna sana ang mga namamalakad ng planong ito. Gradual din sana o phase by phase ang pag-atake dito. Marami pang pwedeng paraan upang madaling makuha ang buy-in ng mga drivers ng ating bayan. Sa programang ito, maaaring magamit ang mga partnerships kasama ang private sector, kaakbay ang mga pederasyon at kooperatiba ng mga drivers pati na ang gobyerno. Magagamit din dito ang teknolohiya, gaya ng mga transport apps kung saan ang bahagi para sa boundary, na kasama na dapat ang buwanang hulog sa sasakyan, ay automatic ng kinakaltas habang safe ar mas mas malaki ang income ng driver. Ilang lamang ito sa mga ideya na pwede pa nating palawigin, upang maging mas makatao at pro-poor ang transport modernization program.
Kapanalig, mahalaga na maging pro-poor at people-centered ang programang ito dahil ang jeep, para talaga yan sa maralita: ang market niyan ang karaniwang mamamayan, ang mga drivers niyan ay karaniwang mamamayan din. Kung hindi isesentro sa usapin ang mga jeepney drivers, para kanino talaga ang pagbabagong ito? Sabi nga sa Evangelii Gaudium: Demands involving the distribution of wealth, concern for the poor and human rights cannot be suppressed under the guise of creating a consensus on paper or a transient peace for a contented minority.
Sumainyo ang Katotohanan.