2,954 total views
Binigyang-diin ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, chairperson ng Church People–Workers Solidarity (CWS) na ang katarungan para sa mga manggagawa ay isang obligasyong moral at hindi maaaring ituring na simpleng kawanggawa.
Ito ang mensahe ng obispo sa paggunita ng ika-124 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Unión Obrera Democrática (UOD), ang kauna-unahang modernong pederasyon ng mga unyon sa Pilipinas.
Sinabi ng obispo na napapanahon pa rin ang laban ng mga manggagawa mahigit isang siglo matapos maitatag ang UOD noong 1902, sa gitna ng mababang pasahod, kontraktuwalisasyon, at hindi ligtas na kondisyon sa paggawa.
“Justice for labor is not optional charity; it is a moral imperative and a concrete path toward the peace God desires for society,” giit ni Bishop Alminaza.
Ayon pa sa obispo, taliwas sa kalooban ng Diyos ang patuloy na pagsasamantala sa mga manggagawa na lumilikha ng yaman ng bansa ngunit kadalasang nananatili sa laylayan ng lipunan.
Giit ni Bishop Alminaza na ito ay taliwas sa kalooban ng Diyos lalo na sa isinasaad sa Deuteronomio 24:14 “Huwag ninyong ipagkakait ang kaukulang bayad sa inyong mahihirap at nangangailangang manggagawa.”
“While workers generate the nation’s wealth, many are forced to live in poverty, their labor undervalued and their voices silenced,” ani Bishop Alminaza.
Tinukoy rin ng obispo ang patuloy na pag-iral at paglala ng mga pananamantala sa ilalim ng mga polisiyang neoliberal, kabilang ang malawakang kontraktuwalisasyon, pagsasapribado, at labis na paghahabol ng tubo ng mga korporasyon.
“More than a century after the founding of the Unión Obrera Democrática, the same structures of exploitation persist and have even intensified under neoliberal policies,” dagdag ng obispo.
Mariing kinondena ng CWS ang anumang uri ng panunupil sa mga unyon at kolektibong pagkilos ng mga manggagawa, kabilang ang union-busting, red-tagging, at pananakot sa mga lider-paggawa.
“Any attempt to delegitimize unions, suppress organizing, or silence collective action—through union-busting, red-tagging, or intimidation—violates not only social justice but the Gospel itself,” giit ng obispo.
Binigyang-diin din ni Bishop Alminaza ang turo ng Simbahang Katolika hinggil sa dignidad ng paggawa, batay sa ensiklikal na Laborem Exercens, na nagsasabing mas may prayoridad ang paggawa kaysa kapital dahil ang tao ang laging paksa ng paggawa at hindi kasangkapan lamang ng produksyon.
Nanawagan si Bishop Alminaza na ipagpatuloy ang diwa at pamana ng UOD sa pamamagitan ng pagtataguyod ng makataong pasahod, seguridad sa trabaho, ligtas na lugar-paggawa, at ganap na pagkilala sa karapatan ng mga manggagawa na mag-unyon at makipagkasunduan nang kolektibo.
Kasabay ng paggunita sa anibersaryo ng UOD at sa Jubilee Year ng ika-800 sentenaryo ng pagpanaw ni San Francisco ng Assisi, dalangin ni Bishop Alminaza na ang kapayapaan ay maisabuhay sa lipunan sa pamamagitan ng katarungan, pagkakasundo, at matapang na patotoo para sa karapatan ng mga manggagawa.
1902 nang maitatag ni Isabelo de los Reyes ang UOD kung saan kinilala itong ‘Father of the Philippine Labor Movement.’




