3,162 total views
Hinimok ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education (CBCP-ECCCE) ang mga K-12 graduates na kumuha ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) certification.
Sinabi San Fernando, La Union Bishop Daniel Presto, Vice-chairman ng CBCP-ECCCE na ito ay karagdagang dokumento na magpapatunay sa kasanayan ng mga nakapagtapos ng Senior High at mahikayat ang mga employer na mabigyan sila ng trabaho
“Ma-encourage kayong mga graduates ng K-12 na mag-aral na kumuha ng TESDA Certification of assement at sa mga walang makikitang trabaho, may mga pamamaraan, may mga ibat-ibang uri ng trabaho tayong makukuha ngunit tiyaga lang sa inyong mga ga-graduate ng Grade 12 ngayong taon,” bahagi ng panayam ng Radio Veritas at mga magtatapos ng Grade 12.
Nagpaabot na rin si Bishop Presto ng maagang pagbati sa mga magsisipagtapos ng Senior High ngayong school year 2022-2023.
Panalangin ng Obispo para sa mga magtatapos na makamit ang lahat ng kanilang mga pangarap katulad ng pagkakaroon ng trabaho o maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa kolehiyo.
“At sa tulong ng ating Poong Maykapal ang pagpapala nawa sa inyong mga graduates ng Grade 12 ay sumainyo lagi, gabayan kayo’t bigyan kayo ng tatag at sipag ng Panginoon sa hinaharap na pag-aaral o pagtatrabaho o pagiging working students,” bahagi pa ng mensahe ni Bishop Presto sa mga kabataan.
Batas sa 2021 Data ng Department of Education, 10% ng mga nagsisipagtapos ng Senior High School ang naghahanap at natatanggap sa mga trabaho habang mahigit 83% naman ang nagpapatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo.