129 total views
Nanawagan ang kanyang kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle nang kahinahunan ng bawat isa sa katatapos lamang na halalan. Ayon sa kaniya, matapos ang pagboto nawa ay manaig ang pagkakasundo, at pagpapatawaran para sa nagkakaisang pagmamahal sa ating bayang Pilipinas. Nagpapasalamat din si Cardinal sa mamamayan na nakilahok sa eleksyon at nagpahayag ng kanilang karapatan na pumili ng bagong pinuno ng bansa.
Mapagmahal na Ama,
Muli pong nagpapasalamat kami sa biyaya na binigay mo sa amin upang makilahok sa eleksyon.
Salamat sa binigay mo sa aming kalayaan bilang mga Pilipino na maging bahagi ng paghuhubog ng aming bansa.
At salamat din po sa maraming tao na napukaw ang kalooban ng pagmamahal sa bayan, nagbigay ng oras, panahon, talino, para po sa isang matiwasay, malinis, at kapani-paniwalang eleksyon.
Sa araw na ito matapos kaming bumoto, hinihiling po naming ibigay mo po sa amin ang kahinahunan, paghihilom sa mga sugat, pakikipagkasundo, pagpapatawaran, gayun din ang hindi nasisira na pagmamahal sa aming bayan.
Turuan mo po kami na ang aming pananagutan ay hindi sa isang partido o sa isang pamilya kundi sa aming bayan.
At matapos po ang eleksyon, turuan mo po kami na patuloy na makilahok sa buhay ng aming sambayanan, na kami ay hindi lamang umasa sa aming matatanggap kundi bilang mga mamamayang may kalayaan at pananagutan, patuloy kaming humubog sa isang bayan na aming pinapangarap.
Lahat pong ito ay aming hinihiling sa inyo, sa ngalan ni Hesu Kristo, at sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, iisang Diyos, magpasawalang hanggan, Amen.
Mahal na Ina, subaybayan nyo po ang inyong minamahal na bayang Pilipinas. Amen.
Sa ngalan ng Ama, ng Anak, ng Espiritu Santo, Amen..
Ang kabuuang panalangin ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na isinahimpapawid sa Radyo Veritas.
Una nang binigyan diin ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang kahalagahan ng pagboto sa pagpili ng pinuno ng bansa, at nanindigan na hindi mag-eendorso ng mga kandidado kundi magbibigay lamang ng gabay sa mamamayan.
Mula sa kabuuang 54 milyong registered voters, may 80 porsiyento naman ang bilang ng mga Katoliko sa kabuuang populasyon ng bansa.
Bagama’t nagpapatuloy pa rin ang bilangan, nangunguna pa rin sa presidential race si Rodrigo Duterte kung saan tinanggap na rin ni presidential candidate Grace Poe ang kanyang pagkatalo.
Higit naman na sa 90 porsiyento ang nabilang ng Comelec mula sa kabuuang higit na 90 libong clustered precincts.