182 total views
Hinimok ni Lydi Nacpil – Convenor ng Philippine Movement for Climate Justice ang mamamayan na makiisa sa programang “Piglas Batangas, Piglas Pilipinas” upang makawala ang bansa mula sa pagdepende nito sa maruming pinagkukunan ng enerhiya na mga Coal Fired Power Plants.
Ayon kay Nacpil, layon din ng “Piglas Batangas, Piglas Pilipinas” na hikayatin din ang mga pulitiko ngayong 2016 National Elections na huwag magpasilaw sa salaping iniaalok ng mga negosyante at unahin ang kapakanan ng mga tao at kalikasan.
“Kami po ay nananawagan, in fact naghahamon sa mga kandidato na manindigan para sa kalikasan, bahagi rin po kami ng isang proyekto na magkakaron ng isang malaking mobilisasyon na tawag ay Piglas Batangas, Piglas Pilipinas sa ika-apat ng Mayo kaya inaanyayahan po naming kayo dito sa Batangas City.” pahayag ni Nacpil sa Radyo Veritas.
Sa ika-apat ng Mayo ,ilulunsad sa lalawigan ng Batangas sa pangunguna ng Archdiocesan Ministry on Environment ng Archdiose of Lipa ang mobilisasyon ng Piglas Batangas, Piglas Pilipinas.
Kaugnay nito, tiniyak ng National Renewable Energy Board na kung hindi mapipigilan ang pagtatayo ng mga karagdagang planta sa mga susunod na taon ay magiging 80% hanggang 90%-dependent o nakadepende ang Pilipinas sa maruming enerhiya.
Batay sa datos ng pamahalaan, may kakayahan ang Pilipinas na magtustos ng mahigit 200,000MW na kuryente mula sa iba’t ibang renewable sources ng bansa.
Una nang hinimok ni Pope Francis sa kanyang Laudato Si ang mga mambabatas na lumikha ng polisiyang magtatakdang palitan ng renewable energy ang mga Fossil Fuels upang sa mga susunod na taon ay tuluyan nang mawala ang lubhang mapaminsalang emissions na nagmumula sa pagsusunog sa mga Fossil Fuels.