10,746 total views
Mga Kapanalig, nandidiri ba kayo sa korapsyon?
Dapat lang. “Kailangang maging nakakadiri ang korapsyon,” sabi nga ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa gitna ng mga kontrobersyal na flood control projects ng DPWH. Tila naging katanggap-tanggap na raw kasi ang katiwalian sa Pilipinas, at guilty tayong lahat dito. Hindi man tayo direktang tumanggap ng perang suhol, hinahayaan naman nating maging normal ang katiwalian dahil tahimik tayo sa harap nito.
Kasama natin dapat ang media sa pagbabantay sa mga tiwali, pero nagiging kasangkapan na ito para gawing normal ang katiwalian. Isa pa ito sa mga pinuna ni Mayor Vico sa isang Facebook post. Tinawag niyang “envelopmental journalism” ang ginagawa ng ilang taga-media. Aniya, naging kalakaran na ng ilang mamamahayag ang mag-interview ng mga personalidad gaya ng pulitiko at negosyante kapalit ng malaking halaga. Dahil bayád sila, dapat magaganda lamang ang lumabas sa kanilang interview. Kahit pa mga mamamahayag sila, hindi na nila inuungkat ang mga bagay na maaaring ikasira ng kanilang ini-interview. Kasama sa mga personalidad na ito ang mga contractors na nakakuha ng malaking pondo mula sa DPWH. Sa mga interview nga sa kanila ng mga kilalang mamamahayag, nagawa nilang ipangalandakan ang kanilang mansyon at mga luxury cars. Ang mensahe? Inspirasyon sila para magsumikap at umangat sa buhay. Walang pagsisiyasat kung paano nila nakamit ang kayamanan nila at kung totoo ba ang “rags-to-riches” nilang kuwento.
Sunod namang naungkat sa social media ang maluluhong lifestyle content ng mga kilalang influencers na anak ng mga pulitiko at contractors. Makikita sa kanilang social media pages ang kanilang mamahaling damit at designer bags. Ibinabalandra din nila ang kinakainan nilang restaurants at iba’t ibang biyahe sa abroad. Tanong ng mga netizens, tax o buwis kaya ng taumbayan ang sumusustento sa content nila? Sa halip na nagamit sa mga flood control projects, ang perang ibinayad sa kanilang mga magulang ay napunta lang ba sa kanilang luho? May mga pumalag sa mga influencers na ito. Paliwanag nila, lifestyle content influencers sila na gustong maka-inspire sa kanilang followers.
Talo ang taumbayan, lalo na ang mahihirap, sa korapsyon. Ayon nga kay Pope Francis, mahihirap ang nagbabayad sa katiwalian. Sa tuwing hinayaan nating magpatuloy ang katiwalian, inaagrabyado natin ang mahihirap. Malaki ang papel ng media—TV, dyaryo, radyo, o social media man—sa pagiging normal ng korapsyon. Ayon sa mga panlipunang turo ng Simbahan, ang media ay dapat gamitin sa kaunlaran ng lahat. Ang impormasyong ibinabahagi ng media ay para sa pagtataguyod ng kabutihang panlahat. Karapatan ng taumbayan na magkaroon ng access sa impormasyon na batay sa katotohonan at katarungan.
Kaya maging mapanuri tayong tagapagkonsumo ng mga kuwentong inihahain sa atin ng media pati na ng social media. Sa tuwing nanonood tayo ng mga interview o palabas tungkol sa mga maykaya sa buhay, mahalagang tanungin natin: may agenda kaya sa likod ng mga ito? Sa tuwing nakakikita tayo ng mga social media posts tungkol sa karangyaan ng mga taong may kaugnayan sa mga sinusuwelduhan nating opisyal ng gobyerno, pag-isipan natin: ganoon ba kalaki ang natatanggap nilang sahod bilang lingkod-bayan?
Mga Kapanalig, sinisira ng korapsyon ang tiwala natin sa mga taong inihalal natin at sa mga mga institusyong pinangangasiwaan nila. Damay din dito ang mga pribadong tao at grupong nakikinabang sa pagnanakaw sa kaban ng bayan. Kung nagiging bahagi pa tayo ng pagiging normal ng katiwalian, sangkot na rin tayo sa korapsyon. Ang mabuting Kristiyano ay hindi tahimik sa harap ng korapsyon. Tandaan natin ang paalala sa 1 Corinto 10:24: hindi dapat “maghangad ang sinuman para sa kanyang sariling kapakanan [lamang] kundi [isaalang-alang natin] ang kapakanan ng iba.”
Sumainyo ang katotohanan.