236 total views
Itinuturing ni Caritas Manila Executive Director at Pangulo ng Radio Veritas 846 Father Anton CT Pascual na “wake-up call” sa mamamayan sa mga ihahalal na lider sa ika-9 ng Mayo ang madugong pagbuwag sa kilos-protesta ng mga magsasaka sa Kidapawan North Cotabato na ikinasawi ng tatlo at pagkasugat ng 200-iba pa.
Ayon kay Father Pascual, ang Kidapawan incident ay nagbubunyag at sumasalamin sa tunay na katauhan ng mga lider na namumuno sa bansa.
Nilinaw ni Father Pascual na ang kilos-protesta ng mga magsasaka para humingi ng pagkain ay patunay na:
1.Matindi ang kapabayaan ng pamahalaan at lipunan sa kalagayan ng mga magsasaka na biktima ng tagtuyot at gutom dahil sa El Nino phenomenon.
2.Hindi pagbibigay ng prayoridad ng national government sa “agriculture sector” na siyang pangunahing sektor at yamang likas ng Pilipinas na naging dahilan para mag-import o umangkat ng bigas ang pamahalaan sa ibang bansa.
3.Hindi natutugunan ng kasalukuyang administrasyon ang problema sa patubig at kuryente para sa agriculture at community consumptions.
4.Hindi napapalitan ang mga magsasaka ng bagong mag-aalaga ng lupa kung saan ang average age of farmers ay 57-taong gulang.
5.Kulang ang suporta ng pamahalaan sa agri based business opportunities with high value supply chain at agri entrepreneurs.
Nabatid na May 2014, nagbabala ang state weather bureau PAG-ASA sa posibilidad ng pagtama ng El Nino phenomenon sa Pilipinas na dalawang beses nangyayari sa loob ng 7-taon.
Ika-3 ng Hunyo 2015, tinukoy ng PAG-ASA ang 32 lalawigan na matinding tatamaan ng tagtuyot ngunit bigo pa rin ang pamahalaan na paghandaan ito.
Inihayag ng Department of Agriculture na umaabot sa 252,176 hektarya ng lupang pansakahan ang apektado ng El Nino mula February 2015 hanggang March 2016 kung saan 383,743-metriko tonelada ng agricultural production ang nasira na nagkakahalaga ng 5.53-bilyong pesos.