2,844 total views
Nasasaad sa Doktrinang Panlipunan ng Simbahang Katolika o DOCAT na palakasin ang pambansa at pandaigdigang laban at pagsusulong ng karangalan at karapatan ng bawat bata.laban sa iba’t ibang paglabag at pananamantala sa dignidad.
Sa ganitong konteksto ay nagpahayag ng kapanatagan ang Philippines Action for Youth Offenders (PAYO) dahil sa hindi pagkakaroon ng pagkakataon ng mga mambabatas na matalakay ang panukalang pag-amyenda sa Juvenile Justice Law sa bansa.
Ayon kay Bro. Gerry Bernabe – Vice President ng PAYO at Convenor ng Coalition Against Death Penalty isang welcome development ang hindi pagkakapasa ng anumang panukala na makapagpapababa sa minimum age of criminal responsibility (MACR) ng mga kabataan bago mag-adjourn ang mababang kapulungan.
“Alam mo it’s a welcome development na hindi nila na-prioritize yun although it’s in the agenda kasi na meron yatang parang sabihin na nating parang pressure from the palace na i-consider ito pero dahil na rin siguro sa dami nilang mga gusto talagang i-prioritize hindi na rin natuloy i-discuss yung amendment nga doon sa Juvenile Justice Law…” pahayag ni Bernabe sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, binigyang diin rin ng Philippines Action for Youth Offenders (PAYO) na maayos na implementasyon at hindi pag-amyenda sa batas ang mas kinakailangan ng Juvenile Justice Welfare Act sa bansa.
Paliwanag ni Bernabe, hindi kinakailangan na amyendahan ang nasabing batas lalo na’t hindi pa rin ito ganap na naipatutupad sa bansa.
Kabilang sa mga tinukoy na probisyon ni Bernabe na hindi pa rin naipatutupad ay ang paglalaan ng naangkop na pondo para sa pagkakaroon ng maayos na serbisyo ng Bahay Pag-asa na dapat na mangalaga at kumupkop sa mga kabataang nagkasala.
“Para sa amin talaga bakit mo kailangang i-ammend yung law na hindi pa naman talaga fully implemented so ang sa amin kasi kailangan i-implement mo muna talaga fully yung provisions JJWA o yung Juvenile Justice Welfare Act bago mo ito i-consider na i-ammend. sinasabi nila doon na features like yung magkaroon ng mga Bahay Pag-asa dagdagan ito tapos bigyan ng pondo para mas mag-operate siya ng maayos.” pahayag ni Bernabe
Kaugnay nito, nagpaabot na rin ng pasasalamat ang Child Rights Network sa mga nagpahayag ng pakikibahagi sa paninindigan laban sa naturang panukala na ibaba sa 12-taong gulang mula sa 15-taong gulang ang Criminal Liability Age ng mga kabataan.
Samantala, bahagi rin ng panawagan ng mga child rights advocates ay ang maayos na implementasyon ng Juvenile Justice and Welfare Act.
Sa ilalim ng naturang batas, sa halip na sa mga bilanguan ay dapat na sa Bahay Pag-Asa isailalim sa intervention program ang mga kabataang nagkasala sa batas.