210 total views
Naglunsad ng “Rosary Bank Project” ang Cathedral Parish of Saint Paul the First Hermit ng Diocese of San Pablo, Laguna bilang paghahanda sa pagdalaw ng National Pilgrim Image (NPI) ng Our Lady of Fatima sa katedral.
Pinangunahan ang proyekto ni Msgr. Jerry Bitoon – Rector at Kura Paroko ng Katedral na layuning makapangalap ng mga Rosaryo na ibabahagi sa mananamapalataya.
Ayon sa Pari, layunin ng programa na mas maipalaganap pa ang debosyon sa Santo Rosaryo.
“Bilang paghahanda sa pagdalaw ng National Pilgrim Image (NPI) ng Our Lady of Fatima, ang Katedral at Parokya ni San Pablo, Unang Ermitanyo sa pangunguna ng ating Kura Paroko ay naglunsad ng “Rosary Bank Project” na kung saan ay mangangalap ng mga Rosaryo upang ito ay ibahagi sa mga mananampalataya/parokyano na wala pang rosaryo kahit isa..” paanyaya ng pamunuan ng Cathedral Parish of Saint Paul the First Hermit.
Naunang inaanyayahan ang mga mananampalataya na makibahagi sa pambihirang pagbisita ng National Pilgrim Image ng Birhen ng Fatima sa katedral sa ika-16 hanggang ika-18 ng Hunyo.
Samantala, kabilang sa mga nakahanay na gawain sa katedral ay ang 3-araw na veneration at rosary vigil na magsisimula ng ika-16 ng Hunyo habang inaanyayahan rin ang lahat na mangumpisal sa ika-17 ng Hunyo.
Bukod sa pagdadasal at pangungumpisal hinihimok rin ni Msgr. Bitoon ang mga mananampalataya na makibahagi sa isasagawang panayam tungkol sa mensahe ng Birhen ng Fatima kaugnay sa kasalukuyang kalagayan ng ating bansa at buong mundo na susundan naman ng film showing na may titulong “Fatima in the World” sa ika-18 ng Hunyo.
Ang naturang National Pilgrim Image ng Birhen ng Fatima ay kabilang sa mga orihinal na imahen na binasbasan ni Pope Paul the 6th na dinala sa Pilipinas ni Manila Archbishop Emeritus Jaime Cardinal Sin at itinanghal bilang National Pilgrim Image noong December 8, 1984 kasabay ng paglulunsad ng National Marian Year sa Pilipinas.
Ang naturang imahen rin ng Mahal na Birhen ng Fatima ay ang kilalang imahe ng Mahal na Ina na itinuturing na Reyna ng Kapayapaan at nagsilbing sandata ng mga Filipino sa naging matagumpay na EDSA People Power Revolution noong taong 1986 na tinagurian ring Bloodless Revolution.
“Para sa iba pang katanungan at detalye, mangyaring makipag-ugnayan sa tanggapan ng ating parokya o tumawag sa mga numerong (049.562.1039, Cathedral Office or 0917.511.6262, Cathedral Worship Commission)”.